NASAKOTE ang isang Chinese national sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City Police noong Miyerkoles ng gabi sa isang kilalang commercial complex.
Batay sa ulat na inilabas ng Southern Police District (SPD), na pinamumunuan ni P/BGen. Eli Cruz, kinilala ang dayuhan na si Li Hui, kasalukuyang nanunuluyan sa Unit 629, Tower D, Brgy. 76, Pasay City.
Ayon sa ulat, nagsilbing poseur buyer ang isang operatiba at nang makabili ng umano’y shabu sa suspek ay kumilos ang mga awtoridad upang ito ay arestuhin.
Gayunman, agad pinaharurot ng suspek ang sinasakyang SUV na Nissan Tierra na bumangga sa isang men’s salon naging dahilan upang madakip ito ng mga operatiba ng SDEU, na pinamumunuan ni P/Maj. Cecilio G. Tomas Jr.
Nakumpiska mula sa suspek ang 22 plastic sachet ng umano’y shabu na tinatayang P34,000 ang halaga, drug paraphernalia at boodle money.
Nakakulong na ang suspek sa detention facility ng SDEU habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (DAVE MEDINA)
149
