BULACAN – Nagkaroon ng lakas ng loob ang isang 18-anyos na dalaga na ipagtapat sa pulisya ang panggagahasa ng kanyang stepfather na nagbantang papatayin siya at ang kanyang ina, makaraang arestuhin ng Paombong Police ang suspek dahil sa pag-ingat ng baril.
Base sa report ni P/Major Almer Eustaquio, chief of police ng Paombong Municipal Police Station, kinilala ang suspek na si Eduardo Coronel, residente sa Barangay Pinalagdan, Paombong, Bulacan.
Nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms dahil sa nakumpiskang baril, at rape dahil sa panggagahasa sa kanyang stepdaughter na si alyas “Alma”.
Nabatid sa imbestigasyon, nadakip ang suspek noong Biyernes, Enero 29, matapos ireklamo ng kanyang mga kapitbahay dahil sa pagbabanta at pag-iiskandalo habang armado ng baril sa Barangay Pinalagdan, Paombong.
Agad nagresponde ang mga awtoridad at nang arestuhin ay nakumpiskahan ang suspek ng isang maigsing baril.
Nang mabatid ng stepdaughter na naaresto ang suspek ay agad itong nagtungo sa himpilan ng pulisya noong Miyerkoles at ipinagtapat ang pangaggahasa sa kanya ng kanyang stepfather. (GINA BORLONGAN)
279
