KINALAMPAG ni Senador Grace Poe ang Department of Energy (DOE), Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulang ahensya na kaagad imbestigahan ang ginagawang panloloko ng mga tiwaling negosyante sa kanilang mamimili.
Partikular na panawagan ng senador ang mabilis na aksyon laban sa mga negosyante na nagbebenta ng “pekeng” liquefied petroleum gas (LPG) na kalimitan ay maliliit na mamimili ang nabibiktima.
Ayon kay Poe, naglipana sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG at walang pakialam ang ilang negosyante kung anong kapahamakan ang maaaring idulot nito sa mga consumer o pamilya na gumagamit ng kanilang produkto.
“Maraming reklamong nakararating sa aming opisina… kung minsan kalawangin daw at madalas malabo o walang brand ang LPG na kanilang nabibili,” payahag ni Poe.
“Ang masakit pa nito, sapat ang bayad nila pero kulang sa takdang 11 kilo na timbang ang binibigay sa kanila,” dagdag pa nito.
Pinaalalahanan ng mambabatas na kailangang maging maingat at mapanuri ang mga consumer, at siguruhing maayos ang kanilang binibiling LPG tulad ng pagkakaroon ng tamang safety cap seal na may serial number na nakakabit sa bawat cylinder at merong dapat iniisyung official receipt.
“Hindi lang nito ninanakawan ang mamimili, nilalagay pa nito sa peligro ang buhay ng gumagamit ng depektibong produkto,” saad ng senadora.
Hiniling din ni Poe na mabilisang bigyang solusyon ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG na halos hindi na makayanan ng ordinaryong mamimili dahil na rin sa mahirap na kalagayang dulot ng pandemya. (NOEL ABUEL)
200
