CPP member din? PINUNO NG PAMALAKAYA SA CARAGA, INARESTO NG PNP

KINUMPIRMA ni General Debold Sinas na inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ng North – Eastern Mindanao, ang pinuno ng Pambansang Lakas ng mga Mamalakaya sa Pilipinas (Pamalakaya) sa Rehiyong Caraga, na si Rogelio de Asis.

Si De Asis ay inaresto dahil sa kasong murder bunsod ng pagpatay umano kina Datu Bernardino Astudillo at Zaldy Ybañez.

Ang PAMALAKAYA ay organisasyong nagsusulong ng pambansang demokrasya para sa Pilipinas upang guminhawa ang buhay ng mga mangingisda at namamalakaya.

Inuugnay ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines ang PAMALAKAYA sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Namatay ang mga lumad na sina Astudillo at Ybanez ng Sitio Inadan, Brgy. Magroyong ng San Miguel, Surigao del Sur noong Marso 19 ng nakalipas na taon.

Nahaharap din si De Asis sa kasong paglabag sa Republic Act 9851, Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Sa kanyang ulat kay Sinas, binanggit ni Brig. Gen. Romeo Caramat, direktor ng PNP-Caraga, dinakip si De Asis sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa dalawang kaso dakong alas-9:00 ng gabi noong Huwebes sa kanyang bahay sa Purok 2, Brgy. Matabao, sa bayan ng Buenavista.

Batay sa impormasyon ng PNP, si De Asis ay kasapi umano ng Regional United Front Committee (RUFC) at ng Regional White Area Committee (RWAC) na nasa ilalim ng North-Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ayon kay PNP Sinas, bukod sa iba’t ibang uri ng krimen, aktibo rin ang pambansang pulisya sa pagsugpo ng armadong pakikibakang pinamumunuan ng CPP. (NELSON S. BADILLA)

279

Related posts

Leave a Comment