MAHIGIT P100 milyon ang halaga ng medical equipment kabilang ang personal protective equipments (PPEs) ang ibinigay ni Senador Manny Pacquiao sa Department of Health (DOH) bilang tulong sa pagtugon ng pamahalaan sa corona virus 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa pahayag, sinabi ni Pacquiao na katulong ng Manny Pacquiao Foundation ang Jack Ma Foundation sa pagbili ng naturang kagamitan na ikatlong wave ng kanilang pamimigay ng tulong sa pamahalaan.
Pagkatapos mamigay ng medical equipment, agad namang nagtungo si Pacquiao sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila upang mamudmod ng ayuda sa mahihirap na residente na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Sa isang simpleng turn-over ceremony sa Camp Aguinaldo, pormal na ibinigay ni Pacquiao sa DOH ang 299 piraso na pressure airway point unit na ginagamit upang makatulong sa paghinga ang mga pasyenteng may covid; 29,750 piraso na Personal Protective Equipment (PPE); 84,700 medical goggles; 241,000 face masks at 200 pirasong thermometer.
Ayon kay Pacquiao, ang mga medical equipment na kanyang ipinagkaloob sa DOH ay pinagsikapang maipundar ng Manny Pacquiao Foundation sa tulong ng kanyang kaibigang si Jack Ma dahil batid niya ang paghihirap ng mga medical frontliner at ang panganib na kinakaharap nila sa pagseserbisyo sa bayan.
“Kailangan nating magtulong-tulong upang kahit papaano ay mapagaan natin ang trabaho ng ating mga medical frontliner at matiyak na sila ay ligtas habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin,” ayon kay Pacquiao.
Libo-libo namang residente sa Baseco compound, Tondo, Maynila ang nabigyan ni Pacquiao ng mga grocery item, manok at tig-isang libong piso na maaaring magamit na pambili ng gamot bilang bahagi ng kanyang patuloy na pamimigay ng tulong sa mga kababayang lubos na naghihirap dahil sa pandemya.
Naging maayos naman at nasunod ang mga pamantayan para sa social distancing at mga itinakdang minimum health and safety protocol sa isinagawa ni Sen. Pacquio na pamimigay ng tulong sa loob ng Manila Integrated Terminal compound. (ESTONG REYES)
281 
