BULACAN – Isang babaeng nagpakilalang piskal sa Office of the Provincial Prosecutors sa Malolos, ang dinakip ng pulisya dahil sa kasong extortion makaraang hingian ng halagang P20,000 ang kapatid ng isang drug suspect kapalit ng kalayaan nito, sa entrapment operation sa Barangay Pulong Bayabas, sa bayan ng San Miguel sa lalawigang ito, noong Sabado.
Kinilala ni P/Col. Lawrence B. Cajipe, Bulacan Police director, ang suspek na si Hazel Victoria, nakatira sa Barangay Balite, San Miguel.
Nabatid na bandang alas-4:20 ng hapon noong Sabado nang maglatag ng entrapment operation ang San Miguel Police, sa overall supervision ni P/Lt. Col. Voltaire Rivera, San Miguel Police chief, laban sa suspek na si Victoria.
Ito ay makaraang hingian umano ni Victoria na nagpakilalang siya si Fiscal Michael Cruz mula sa Office of the Provincial Prosecutors sa Malolos, ng halagang P20,000 ang kapatid ng isang nahuling drug suspect kapalit ng kalayaan ng huli.
Bunsod nito, agad nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Victoria. (GINA BORLONGAN)
241 