Away sa parking QCPD OFFICIAL VS TAXI DRIVER

NALALAGAY sa balag ng alanganin ng isang mataas na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang ireklamo ng isang taxi driver sa People’s Law Enforcement Board (PLEB) kamakailan.

Si P/Lt. Col. Ariel Capocao, Deputy Director for Operations ng QCPD, ay kinasuhan sa PLEB ng “grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer and oppression” ni Marlon Bacsal, taxi driver.

Nag-ugat ang alitan nina Capocao at Bacsal dahil sa usapin ng parking.

Ayon sa reklamo ni Bacsal, inutos sa kanya ni Capocao na alisin ang kanyang taxi na nakaparada sa tabi ng kanilang bahay.

Sinabi ni Bacsal kay Capocao na aalisin lamang niya ang taxi kung aalisin ang buhangin na inilagay sa lugar na dati niyang pinaparadahan.

Bagama’t humingi ng paumanhin ang taxi driver sa opisyal ng QCPD ay hindi ito tinanggap ni Capocao at sa halip ay minura si Bacsal.

Nakatanggap pa umano ng pang-iinsulto ang complainant mula kay Capocao kahit inalis nito ang taxi.

Hindi pa umano nakuntento si Capocao, ipinahuli pa nito si Bacsal nang walang kaukulang warrant of arrest, sa police officers na armado ng M16 rifles.

Si Bacsal ay inimbestigahan at isinailalim sa medical examination, bago siya nakapagsampa ng ‘unjust vexation case’ laban sa opisyal ng QCPD.

Binigyan ng PLEB ng pitong araw si Capocao para sagutin ang reklamo laban sa kanya.

“We will resolve this case in a swift but fair manner. I assure you, in the end justice will prevail” ani Atty. Rafael Calinisan, QC PLEB’s executive officer.

Nagpahayag naman ng buong suporta si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa PLEB, at sinabing pananagutin ang police officer na nagkasala.

“Sa QC, hindi kami kaaway ng mga pulis. But we have to protect the people from erring men in uniform, while we continue to take steps to rebuild the trust of the people with our law enforcers,” ayon sa alkalde. (JOEL O. AMONGO)

155

Related posts

Leave a Comment