PAGPAPADALI NG PROSESO PARA SA MGA NEGOSYO, PINAIGTING NG PAMAHALAAN

KAMAKAILAN ay naisabatas ang Republic Act 11571. Layunin ng nasabing batas ang pagpapabilis sa pagbibigay ng mga permit, lisensya, at sertipikasyon sa panahon ng emerhensiya gaya ng pandemyang COVID-19.

Sa ilalim nito ay binibigyan si Pangulong Duterte ng ­kapangyarihang pabilisin ang proseso sa pamamagitan ng pagtanggal o pansamantalang pagsuspinde ng mga nabanggit na dokumento.

Ang kinaganda ng nasabing batas ay nasasaklaw nito ang lahat ng industriya. Wala itong pinapaboran. Ito ay may kaugnayan sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act, na siyang isinabatas ng Pangulo dalawang taon na ang nakakaraan.

Ito ay isang patunay sa ­determinasyon ni Pangulong Duterte na alisin ang red tape sa sistema ng ating ekonomiya. Patuloy niyang hinihimok ang mga ahensya ng pamahalaan na ­paghusayan ang pahahatid ng serbisyo sa publiko. Ibinilin din niyang hindi dapat paghintayin ng matagal ang mga negosyo sa kanilang mga permit, lisensya, sertipikasyon, at iba pang dokumento.

Bunsod ng nasabing batas ay kinukwestyon ng mga miyembro ng industriya ng bakal ang mga karagdagang dokumento na kailangan nilang isumite bago bigyang pahintulot na mailabas ang kanilang mga produktong inangkat.

Ang hinaing na ito ay ­nag-ugat sa Department Administrative ­Order (DAO) na inilabas ng Bureau of Philippine Standards (BPS) at ng Department of Trade and Industry (DTI). Ito ay ipinatupad noong ika-13 ng Enero, 2021.

Sa ilalim ng DAO, tinatayang aabot sa 24 na dokumento ang kailangang isumite bago mailabas ang mga inangkat na produktong bakal. Tila taliwas ito sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.

Nangangamba ang industriya ng bakal ukol sa magiging epekto ng DAO 20-10, Series of 2020 sa lagay ng supply ng mga ­materyales na ginagamit sa pagbububong. Maaari raw itong makabagal sa proseso. Kapag bumaba ang supply ng mga nasabing produkto sa merkado, tiyak na tataas ang presyo nito.

Kritikal ang papel na ­ginagampanan ng industriya ng bakal sa proyektong imprastraktura ng pamahalaan. Ang pag-­angkat ng supply ng mga materyales na kailangan para rito ay maaaring makaantala sa progreso ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build na programa ni Pangulong Duterte.

Ayon sa mga ulat ay nagsumite ng apila ang mga miyembro ng industriya na naapektuhan ng DAO. Nakiusap ang mga ito na bigyan sila ng mas mahaba pang panahon upang maisaayos muna nila ang kanilang operasyon ng naaayon sa DOA.

Kasama rin sa kanilang ­pakiusap ang hayaang makapasok sa bansa ang kanilang paparating na mga inangkat na produkto na nakatakdang ­dumating hanggang Abril 2021. Karamihan sa mga ito ay nabili na bago pa man inilabas at ipinatupad ang DAO.

Hindi maintindihan ng mga miyembro ng industriya ng bakal kung bakit nila kailangan magsumite ng karagdagang dokumento gayong sumusunod naman sila sa tamang proseso.

Umaasa ang industriya ng bakal na hindi masyadong makakaapekto ang pagpapatupad ng DAO sa progreso ng proyektong imprastraktura ng pamahalaan.

Masigasig ang pamahalaan ukol sa muling pagpapayabong ng ating ekonomiya. Kaugnay nito, dapat siguraduhing mabibigyan ng sapat na suporta ang bawat industriya sa bansa upang maging mas mabilis ang ating pagbangon mula sa epekto ng pandemyang COVID-19.

192

Related posts

Leave a Comment