KINUMPIRMA ni Senador Bong Go na darating na rin sa bansa ang suplay ng bakuna ng Astra Zeneca na mula sa Covax facility.
Sinabi ni Go na sa Lunes darating ang 525,600 doses ng bakuna mula sa Astra Zeneca.
“Another good news, ang inaantay natin ang bakuna mula sa Covax, sabi nila itong Sinovac yung iba po ay alanganin, ang importante may darating din po na bakuna sa darating na Lunes, magkakaroon na po ng pagpipilian dahil ito pong darating sa Lunes ay galing sa Astra Zeneca. Nagkausap kami ni Sec. Carlito Galvez ang darating po ay 525,600 mula sa Astra Zeneca. Ito po ay sa Covax facility,” saad ni Go sa panayam ng DWIZ.
Una na ring kinumpirma ni Go na darating sa Linggo ang may 600,000 doses na Sinovac.
Sinabi ni Go na inaasahan din nilang magsusunud-sunod na ang iba pang mga inorder na bakuna kontra COVID-19 sa mga darating na araw.
Tiniyak din ng senador na kapag nagsimula na ang vaccine rollout ay muling ikukonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagluluwag pa sa quarantine restrictions sa ibang bahagi ng bansa na nasa ilalim ng General Community Quarantine. (DANG SAMSON-GARCIA)
