LEARNING CRISIS

NAKAKALUNGKOT naman kung totoong unti-unti nang nangyayari ang pagkakaroon ng tinatawag na ‘learning crisis’ sa bansa na isa sa negatibong naidulot sa atin ng pandemya ng COVID-19.

Ano ba yung tinatawag na learning crisis?

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hindi malayong nararanasan na ito ng sektor ng ating edukasyon bunga na rin ng ibat-ibang pagsubok kaugnay ng umiiral na distance learning sa kasalukuyan.

Isa sa pinangangambahan ay ang posibilidad na ­malaking bilang o porsiyento ng mga estudyante ang hindi naman natututo sa on-going distance ­learning at kung magtutuloy-tuloy pa ito ay baka mas malaking problema pa ang kakaharapin ng ating bansa sa hinaharap.

Kumusta na nga ba ang estado ng ating edukasyon? ­Ilang buwan na rin ang nakalipas simula nang buksan ang academic year 2020-2021. Ito ay sa kasagsagan ng pananalasa ng covid-19 kung kaya napakahirap na gawin ang face to face classes na gusto ng iba.

Baka kasi mas natututukan natin ang dami ng kaso ng COVID-19 o kaya ay yung bakunang paparating. Baka higit din na natututukan ang kawalan ng trabaho gayundin ang bagsak na kabuhayan ng mga Filipino.

Hindi masama na bigyang pansin ito. Pero huwag sana kalimutan ang larangan ng edukasyon dahil nakasalalay rin dito ang kinabukasan lalo na ng ating mga kabataan.

Kaya tama lang ang ­iginigiit ni Senador Gatchalian na magkaroon ng tinatawag na ­assessment hinggil sa epekto ng distance learning.

Kasama na ang pagkansela ng tuluyan sa face to face classes sa mga eskwelahan.

Para sa kaniya, kung hindi matutugunan ang mga hamong may kinalaman sa distance learning, malaking porsyento ng mahigit 25 milyong mag-aaral ang tutuntong sa susunod na baitang ang posibleng hindi sapat ang taglay na kaalaman.

Sabihin na natin na may ginagawa naman ang Department of Education (DepEd) na mga hakbang at kaparaanan upang ­maitaguyod lang ang edukasyon kahit pa tuliro ang bansa sa pananalasa ng COVID-19, naniniwala ang isang gaya ni Senador Gatchalian na marami pa ring hamong susuungin ang ­pagpapatupad ng distance learning kabilang na ang kakulangan ng maayos na internet, sapat na paggabay ng mga guro, pati na ang kalidad at bisa ng mga self-learning modules.

Kamakailan ay isinagawa ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRe Educ Movement) ang isang survey.

Lumitaw na may mahigit 70 porsyento ng mga gurong nakibahagi sa survey ang hindi kumpiyansang natututunan ng mga mag-aaral ang lahat ng kanilang mga itinuturo sa sa umiiral na distance learning.

Sa mga mag-aaral namang lumahok sa survey, mahigit 50 porsyento sa kanila ang hindi rin siguradong matututunan nila ang kanilang aralin para sa kanilang baitang.

Delikado ang mga ganitong sitwasyon kaya tama lang na maalarma ang kinauukulang sektor pati na ang ibat-ibang ahensiya na may kinalaman sa edukasyon.

Kaya nga sabi ni ­Gatchalian, “Dahil ipagpapaliban muna ­nating muli ang pagkakaroon ng face-to-face classes, mahalagang magkaroon tayo ng kaliwanagan sa kung ano ba ang magiging pangmatagalang epekto nito sa ating mga mag-aaral, lalo na’t hinaharap nila ang ­maraming mga hamong may kinalaman sa epektibong pagpapatupad ng distance learning.”

Sana kahit sa gitna ng pandemya ay matuto pa rin ang ating mga estudyante ng mga kinakailangang aralin na dapat matutunan sa eskwela.

Ito ang kailangan at higit na mahalaga. Magtulung-tulong na tayo kasama na rin ang mga magulang na may malaking magagawa sa pagsuporta sa kani-kanilang mga anak para na rin sa kinabukasan ng bawat pamilya.

Kapit Lang tayo.

163

Related posts

Leave a Comment