P500-M, INIHANDA NG DOLE PARA SA UUWING OFWs

NAKAHANDANG maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng hanggang P500 milyon upang mabigyan ng ayuda ang mga pabalik sa bansa na overseas Filipino workers (OFWs).

Inamin ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na mayroong 40,000 hanggang 50,000 OFWs ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang makabalik sa bansa dahil sa patuloy na negatibong epekto ng COVID- 19 sa ekonomiya ng mga bansang pinagtatrabahuan nila.

Batay sa dalawang batas tungkol sa Bayanihan, P10,000 ayudang pinansiyal ang ibibigay sa bawat OFW na mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Nakasaad din sa parehong mga batas na DOLE ang tanging mangangasiwa sa pamimigay ng P10,000 sa bawat OFW, sa halip na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ang perang ibibigay ng DOLE sa mga manggagawa mula sa ibayong dagat ay galing sa pambansang pamahalaan.

Ang bilyun-bilyong pondo ng OWWA na galing sa OFWs ay nakalaan sa proyekto ng ahensiya na nakalaan sa mga nasabing kategorya ng manggagawa tulad ng kabuhayan at edukasyon.

Ngunit kung ilang buwan at taon na ring hindi nakabalik sa ibang bansa ang OFW ay hindi na niya mapapakinabangan ang perang ibinigay niya sa OWWA tulad ng membership fee, tinumbok ng isang kasapi ng OWWA Board of Directors.

Bukod sa OFWs, ipinaatang din ng Bayanihan Act 2 sa DOLE ang pamimigay ng P5,000 sa bawat manggagawa sa industriya ng turismo na nawalan ng trabaho sa panahong maraming saradong kumpanya dulot ng COVID-19. (NELSON S. BADILLA)

281

Related posts

Leave a Comment