UMAPELA ang isang mambabatas mula sa lalawigan ng Cavite sa mga kasamahan sa mababang kapulungan ng Kongreso na iwasang mahaluan ng pulitika ang panukalang P10 libong ayuda sa mahihirap upang mapabilis ang pagpasa nito.
Ang panukala ay binuo ng tinaguriang BTS o Balik sa Tao ang Serbisyo group ng Kongreso.
Naniniwala si General Trias City 6th District Congressman Jonjon Ferrer na nararapat lamang na agad upuan at balangkasin ang importansiya ng inihaing 10K Ayuda bill dahil ang pakinabang nito ay para sa mga pamilyang labis na naghihirap dulot ng nararanasang pandemya.
Ayon kay Cong. Ferrer, wala siyang kinakampihan sa panig ng dalawang kampo at ang tanging adhikain ay maibigay sa lalong madaling panahon ang 10 libong pisong pang puhunan sa bawat pamilyang naghihirap.
Nabanggit ng Cavite congressman ang kanyang plano kasama ang iba pang kongresista ng lalawigan na kinabibilangan nina Municipality of Kawit, Representative Boy Blue Abaya, Imus City Congressman Alex L.
Advincula at iba pang lokal officials sa pagbisita sa Aguinaldo Elementary School sa Kawit ni dating House Speaker Taguig City Congressman, Alan Peter Cayetano upang mamahagi ng ayuda sa mga Barangay Health Worker (BHW).
“Pinag-iisipan namin ang solusyon para matulungan at maitaas ang antas ng mga BHW dahil minsan hindi nila alam kung saan sila kukuha ng pambiling ulam kaya isusulong namin na gawing JO o job order ang kanilang panghahawakang estado ng trabaho at hindi yung allowance lang ang tinatanggap kada buwan,” pahayag ni Ferrer.
Samantala, hindi malaman ni Cayetano kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatawag ng hearing para sa 10K Ayuda bill samantalang noong Pebrero 1 pa ito naihain at handa ang BTS group na alisan sila ng kredito maipasa lang ang nasabing panukala.
Ayon kay Cayetano, “maraming mas importanteng pag-usapan lalong-lalo na ‘yung 10K eh. Bakit natin pinag-uusapan yung kahapon eh ngayon naghihirap ang mga tao at hindi nila alam ‘yung kanilang bukas? (CESAR BARQUILLA)
