INTERNET SPEED MULING PINUNA SA SENADO

MULING pinalagan ni Senador Win Gatchalian ang patuloy na mabagal na internet connectivity sa bansa halos tatlong buwan matapos lumipas ang ultimatum ng pangulo sa telecommunications companies na ayusin ang kalidad ng kanilang serbisyo.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na pinalala pa ito nang mabagal na pagtugon ng mga telcos sa mga reklamo ng kanilang subscribers na may kinalaman sa mobile data at palyadong broadband services.

“Hindi na natin kailangan pang ipagdiinan na hindi nasusulit ng mga tao ang binabayaran nilang serbisyo. Ang mas hindi katanggap-tanggap ay ang kawalan ng agarang pagtugon lalo na sa ganitong panahon na mabigat ang pangangailangan ng bawat pamilya pati na rin ng commercial establishments nang maayos na internet services,” sabi ng Senate Economic Affairs Committee vice chairman.

Isang halimbawa aniya rito ang kaso ng mga residente ng Valenzuela City na napilitang dumulog sa kanilang mga lokal na opisyal dahil hindi natutugunan ang mga hinaing nila sa mabagal o kawalan ng internet connection.

Karamihan sa mga reklamong natatanggap ng pamahalaan ng Valenzuela City mula sa iba’t ibang social media platforms ay may kinalaman sa sablay na internet connection, walang internet access o signal na umaabot ng ilang araw o linggo at hindi maagap na pagseserbisyo ng technical crew ng mga internet service providers (ISP).

“Hanggang kailan pa tayo magdurusa sa problema ng internet connectivity? Baka naman nabakunahan na tayong lahat kontra COVID-19 tapos hindi pa natatapos ang problemang ito. Hindi katulad ng singil sa kuryente na maaring installment, ang mga subscrbers ng telcos ay buo ang binabayad. Sana suklian naman nila ang mga tao ng karampatang serbisyo,” ani Gatchalian.

Kamakailan lamang ay napabalita na bumilis na ang internet speed sa bansa kung kaya’t tumaas na ang global ranking nito sa mobile internet speed, mula sa pwestong 111th noong Enero 2020 ay nasa 86th spot na ito nito lang Enero 2021.

Ngunit ayon kay Gatchalian, hindi ramdam ang sinasabing mas mabilis na internet speed dahil sa kawalan ng pagbabago sa kalidad ng customer service ng mga telcos sa kanilang subscribers.

Samantala, nananatili sa 100th na pwesto ang global ranking ng bansa pagdating sa internet speed ng mga fixed internet o fixed broadband, ayon sa Ookla Speedtest Global Index. (ESTONG REYES)

113

Related posts

Leave a Comment