BULACAN – Positibo sa COVID-19 ang alkalde ng bayan ng San Ildefonso sa lalawigang ito.
Base sa resulta ng swab test na inilabas noong Miyerkoles ng umaga, positibo sa COVID-19 si Mayor Carla Galvez-Tan na agad sumailalim sa 14-day quarantine.
Ayon sa kanyang Facebook account, inamin ni Mayor Tan na siya ay nakaranas ng pananakit ng katawan at lalamunan at hirap sa paghinga simula pa noong Lunes kaya agad siyang nagpa-swab test at pagkaraan ay nabatid na positibo sa naturang virus ang alkalde.
Kaugnay nito, kumilos na ang mga kawani ng municipal health office para sa contact tracing at isinailalim ang ilan sa mga ito sa swab testing base sa direktiba ni Mayor Tan upang maiwasan ang pagkahawa.
Sa kasalukuyan, kanselado ang pasok ng mga empleyado sa bahay pamahalaan ng San Ildefonso simula noong Miyerkoles hanggang Biyernes para sa disinfection. (ELOISA SILVERIO)
