CAVITE – Arestado ang tatlong construction worker makaraang maaktuhan sa isinasagawang pot session na isinabay ng mga ito sa pagsusunog ng basura sa bayan ng Magallanes sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Albert Estrera, 23; Ridzkan Aizal, 29, at Paul Francis Baldos, 33, pawang mga residente ng Brgy. Urdaneta, Magallanes.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Eddie Gomba Jr. ng Magallanes Police, dakong alas-11:30 noong Miyerkoles ng gabi nang nakatanggap ng tawag ang barangay officials mula sa mga residente hinggil sa pagsusunog ng basura sa Sitio Pantong, Brgy. Urdaneta sa nabanggit na bayan.
Agad namang nagresponde ang mga pulis at naabutan ang mga suspek habang nagsusunog ng mga basura kasabay ng paghithit ng umano’y shabu.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (SIGFRED ADSUARA)
