PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko kaugnay sa ‘unauthorized selling of COVID-19 vaccines’.
Base sa DOH advisory, pinag-iingat ang publiko laban sa organisasyon o mga taong nagbebenta o nag-aalok ng anomang uri ng bakuna na pangontra umano sa COVID-19.
Nauna nang binanggit ng DOH, Food and Drug Administration (FDA) at National Task Force against COVID-19 na kailangang makakuha muna ng Emergency Use Authorization o EUA bago pahintulutang magamit ang bakuna laban sa nasabing virus. Hindi rin ito maaaring ibenta sa publiko.
Kasabay nito, binalaan ng mga nasabing ahensya ang sinomang tumatangkilik sa ‘unlawful sale, purchase, administration of COVID-19 vaccines’ dahil maaari silang makulong ng isa hanggang sampung taon at multang hindi bababa sa P50,000.00 na hindi naman lalagpas sa P500.000.00.
Ang mga manufacturer, importer o distributor ng health products naman na hindi aprubado ay may parusang limang (5) taon hanggang sampung (10) taon ng pagkakulong at multang P500,000.00 na hindi lalagpas ng P5,000,000.00. (JOEL O. AMONGO)
