9 MIYEMBRO NG GAY KIDNAP GROUP NALAMBAT NG PNP-AKG * Shabu supplier timbog din

ARESTADO ng mga operatiba ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang siyam na miyembro ng notoryus na gay kidnap group na nambibiktima ng Chinese nationals.

Ayon sa ulat ni PNP-AKG director, P/BGen. Jonnel C. Estomo, dakong alas-11:30 ng gabi noong Biyernes, Marso 19, 2021, personal na dumulog ang isang Mr. Cheng Zhijhang sa tanggapan ng PNP-AKG, kasama si Arch Ka Kuen Chua, chairman ng MRPO, upang magharap ng reklamong kidnapping for ransom laban sa gay kidnap group.

Ang ilegal na aktibidad ng nasabing grupo ay isinasagawa nila sa pamamagitan ng Tan Tan dating apps.

Agad isinagawa ang surveillance operations ng mga awtoridad sa tulong ng PNP-AKG advisory councils sa pamumuno ni Mr. Marjinder “James” Kumar,” presidente ng Fil-indian Commerce and Welfare Society, Inc at MRPO, sa pamumuno ni Ka Kuen Chua.

Ang nasabing hakbang ay nagresulta sa matagumpay na pagkakadakip sa siyam na suspek sa Lot 5, Block 11, Eco Trend Villas, Las Piñas City.

Positibong kinilala ng biktima ang mga suspek na sina Anfernee Joshua Casil, Jomari Pamaranglas, Vincent Karl Suero, Ewald Tacalan, Disney Camacho, Kevin Mark Castillo, Joenel Roselio, Jaypee Roselio at Ostin Callejo.

Nauna rito, sa pangunguna ng PNP-AKG team, sa pamumuno ni P/Col. Villaflor Bannawagan, hepe ng LFU, natunton ang driver at ang biktima sa GMA, Cavite kung saan natagpuan ang mga ito.

Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na ang biktimang si Cheng Zhijhang ay makikipagkita sa isang babae sa GMA, Cavite sa pamamagitan ng Tan Tan online dating apps.

Dahil sa hangaring makita ang sinasabing magandang babae, pumayag ang biktima na makipagkita sa nabanggit na lugar.

Ngunit kalaunan, nabatid ng biktima na siya ay target ng kidnap for ransom ng macho gay syndicate.

Ang biktima ay piniringan ang mata at iginapos saka dinala sa hindi natukoy na lugar.

Habang bihag, binugbog umano ng mga suspek ang biktima at kinulimbat ang laman ng pitaka nito na P12,000 ang halaga.

Pagkaraan ay sapilitan umanong pinahingi ng mga suspek ang biktima ng karagdagang P500,000 sa kanyang mga kaanak sa China.

Nang ma-transfer na ang nasabing halaga sa account ng biktima ay agad itong winidraw ng mga suspek noong Marso 18, 2021 at pinalaya si Cheng Zhijhang. Ayon sa medical records, nabali ang apat na tadyang ng biktima.

Ang arestadong mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-AKG lock-up jail para sa imbestigasyon at sa paghaharap ng kaukulang kaso laban sa mga ito.

Samantala, nadakip ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang hinihinalang supplier ng shabu sa bayan ng Dauis, sa lalawigan ng Bohol.

Kinilala ang suspek na si Gil Tongco y Cinconiegue, residente sa Purok 7, Tinago sa nasabing bayan, nadakip ng mga miyembro ng PNP-AKG Visayas Field Unit, sa pamumuno ni P/Col. Salvador T. Alacyang.

Ang suspek ay inaresto dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Josephus Adel Baterna, presiding judge ng RTC Branch 49, 7th Judicial Region, Tagbilaran City, Bohol.

Walang inirekomendang piyansa ang nasabing korte para sa nasabing kaso ng suspek.

Ayon pa sa ulat, ang suspek ang pangunahing supplier ng ilegal na droga sa Tagbilaran City at kalapit na mga lalawigan. (JESSE KABEL)

186

Related posts

Leave a Comment