Idiniin ng mga ebidensya; 9 napatay sa Calabarzon CPP CADRES AT NPA HITMEN

(NELSON S. BADILLA)

WALANG balak iatras ng Philippine National Police (PNP) ang “opisyal” na pahayag nito na lehitimo ang kanyang operasyon laban sa siyam katao noong Marso 7 sa Rehiyong Calabarzon.

Ayon sa pamunuan ng PNP-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), na pinangungunahan ni Brig. Gen. Felipe Natividad, trabaho at tungkulin nito na kumilos laban sa mga “kaaway ng estado” lalo kung ang mga taong ito ay kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG).

Sinabi ni Natividad sa media ilang araw na ang nakalipas na ang operasyon ng PNP-Calabarzon ay ibinatay sa search warrants na inisyu ng mga korte.

Idiniin din ni Natividad na sinunod at ipinatupad ng PNP-Calabarzon ang buong alituntunin sa pagsasakatuparan ng mga trabaho at tungkulin nito mula sa pagkuha ng mga warrant hanggang sa pagsisilbi nito.

Ang pahayag ni Natividad ay tugma sa posisyon ni PNP Chief Debold Sinas na binanggit niya sa media noong Marso 8 na “lehitimo” ang operasyon ng PNP-Calabarzon dahil nakabatay ito sa bitbit nilang mga warrant.

Matatandaang ilang oras matapos ang engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at mga kasapi ng CTG, binatikos ng mga left-leaning organization tulad ng human rights monitoring group na Karapatan ang naganap.

Sinabi ng Karapatan na ang siyam na namatay ay mga “aktibista” na nakapaloob sa mga legal na organisasyon.

Ngunit, ibinaon sa basurahan ng “verified” na impormasyon ng pamahalaan ang posisyon ng Karapatan.

Nakalagay sa dosiyer ng makinarya sa paniniktik ng pamahalaan na nakuha ng media na ang mga namatay ay kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at armadong yunit nitong New People’s Army (NPA).

Isa sa siyam na napatay sa operasyon ay nakilalang si Ariel Evangelista, na ang koda sa CPP-NPA ay “Padua”.

Isiniwalat ng parehong source na si Evangelista ay mayroong ‘mataas’ na katungkulan o posisyon sa CPP at NPA, samakatuwid “kadre” siya ng CTG.

Kabilang umano si Evangelista sa Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC).

Ang STRPC ay siyang namumuno at nangangasiwa sa pagkilos ng NPA at mga legal na organisasyon ng CPP sa buong Southern Tagalog (ST).

Pasok din si Evangelista sa Silangan, Sub-Regional Military Area (SRMA-4C) ng NPA.

Ang ikalawang napatay sa operasyon ay ang kanyang asawa na si Ana Mariz Lemita-Evangelista na mayroong mga alyas na “Prince” at “Abril”. Kasapi rin siya ng CTG.

Ang ikatlo ay nakilalang si Abner Damas Esto, alyas “Buloy”.

Lumilitaw na “mamamatay-tao” o “hitman” ng NPA sa lalawigan ng Rizal si Buloy dahil miyembro siya ng “Special Partisan Unit (SPARU)”.

Batay sa mga nakalipas na impormasyon ng NPA na lumabas sa media, matindi ang pagsasanay ng mga miyembro ng SPARU, sapagkat isinasabak ang pangkat na ito sa mga “special operation” na ipinag-utos ng mga pinuno ng CPP at NPA.

Batay sa kalakaran at tradisyon ng CPP at NPA, ang mga target ng SPARU na patayin ay aprubado ng pamunuan ng CPP at NPA.

Ayon pa rin sa dosyir ng makinarya ng pamahalaan sa paniniktik, humawak ng mga ‘sensitibong’ gawain sa CPP at NPA si Buloy tulad sa intelligence unit ng CTG, batayan ng kanyang pagiging kadre.

Ang ikaapat na napatay ay ang kamag-anak niyang si Edward Damas Esto, alyas “Emil”.

Ayon sa parehong pinagsanggunian ng impormasyon, si Esto ay kasama sa Sentro de Gabidad (SDG) ng Platoon 4A4 na sakop ng grupo ng isang alyas “Shaho”.

Platoon leader nila ang isang alyas “Luis”.

Vice squad leader umano si Emil ng Platoon 1/Yunit Gawaing Masa (YGM) Platoon/Platoon 4A4 ng “Guerilla Front CESAR”.

Ang isa pang nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng armadong puwersa ng pamahalaan at ng PNP ay si Melvin Dasigao na gumagamit din ng pangalang “Melvin Amisato Dagisao” at “Michael Greg Dasigao”.

Si Dagisao umano ay miyembro ng Platoon 4A/Gabay ng Partido (GP) ng Cesar Batrallo Command ng NPA na nakabase sa Laguna.
Batay sa impormasyon ng intelligence community ng pamahalaan, si Puroy Berbehedo Dela Cruz na ikaanim na namatay sa labanan ay “kalihim” (secretary) ng sangay ng CPP sa Brgy. Upper Lumutan ng General Nakar, Quezon.

Ang kamag-anak ni Dela Cruz na nakilalang si Randy “Pulong” dela Cruz ay napaslang sa operasyon ng PNP makaraang makipagbarilan umano sa mga pulis na nagpiprisinta sa kanya ng warrant.

Si Randy ay isa rin umanong importanteng miyembro ng mga sangay ng CPP at NPA sa Quezon, ayon sa parehong sources.

Ang ikawalong namatay ay nakilalang si Emmanuel “Manny” Asuncion kung saan nabanggit sa media nitong nakalipas na linggo na opisyal ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Cavite.

Taliwas dito, itinuro si Asuncion ng makinarya sa paninitiktik ng pamahalaan na kadre ng CPP sa Cavite.

Kilala ang Bayan na isang “legal front” ng CPP dahil pareho itong nagsusulong at nakikibaka upang makamit ang mga pambansa demokratikong prinsipyo at adyenda.

Tinahak ng CPP ang armadong pakikibaka bilang paraan nito upang makamit ang pambansa demokratikong adyenda, samantalang legal na paraan ang pinasok ng Bayan.

Ang ikasiyam at huling namatay na napabalitang nakipagbarilan din sa mga miyembro ng PNP-Calabarzon ay isang kasapi ng CTG na nakilala lamang sa kanyang koda sa kilusang komunista na “Makmak”.

Sa kabila nito, hindi nauwi sa patayan ang buong operasyon ng PNP-Calabarzon dahil may anim na aktibista at mga unyonista umano ang nasakote ng mga pulis noong Marso 7.

Isa sa kanila ay si Edward Lanzanas na gumagamit din ng pangalang “Rafael Arellano de Guzman”.

Si Lanzanas ay nakakulong sa bilangguan ng Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig makaraang makuha umano sa kanya ang ilang ebidensiyang magpapakita ng pagiging miyembro niya sa CTG.

Tinumbok ng datos ng makinarya sa paniniktik ng pamahalaan na si Lanzanas ay kasapi ng Platoon ng Bagong Silang, SRMA-GU1, (STRPC) kung saan ang koda niya ay “Jomel”.

Si Lanzanas ay anak ng isang Nimfa Lanzanas na inako ng Karapatan na kasapi nila.

Nauna nang inako ng nasabing grupo sa media na kasapi rin nila ang isang “Glendhyl Malabanan” na regional staff ng Karapatan-South Tagalog.

Ngunit, batay sa dosier ng intelligence community ng pamahalaan, si Malabanan na mayroong mga alyas na “Meldi”, “Marju” at “Michell” ay miyembro ng Platoon 5, Komiteng Larangang Guerilla South, Sub-Regional Military Area (SRMA) na pinamumunuan ng 4E-Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC).

Ipinakilala ni Malabanan ang kanyang sarili bilang kasapi ng Karapatan -Southern Tagalog nang makumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang ilang mga armas at gamit – pampasabog sa isang government checkpoint sa Palawan ilang buwan na ang nakalipas.

Siya ay inaresto at ikinulong habang nahaharap sa maraming kasong kriminal.

Ayon pa sa PNP, sa mga nabanggit na operasyon ay ilang matataas na kalibre ng baril, amyunisyon at mga bomba ang nakumpiska nila sa mga kadre ng CPP at hitmen ng NPA.

370

Related posts

Leave a Comment