UNDERVALUED SHIPMENT NA MAY PALSIPIKADONG MGA DOKUMENTO BISTADO SA PORT OF CEBU

HINDI nakalusot sa mga tauhan ng Port of Cebu ang tangkang pagpapalabas ng ‘undervalued bulk shipment’ ng Brand New 2020 Model KR165C Rotary Drilling Rig mula sa China matapos matuklasang palsipikado ang mga dokumento nito.

Ang nasabing shipment na tinangkang ipuslit ay sinasabing aabot ng higit sa 1.3 milyong piso ang kaukulang duties and taxes na dapat bayaran sa Customs.

As per goods declaration, ang shipment na naka-consigned sa JLINKS Marketing ay may presyo umanong $25,600.00 at suportado ito ng Load Port Survey Report (LPSR) na isinumite ng kinatawan ng consignee.

Base sa idineklarang value, ang kabuuang babayaran ng duties and taxes ng shipment ay nasa P159,390.00 lamang.

Subalit nang isailalim sa standard procedure ng nakatalagang Examiner at Appraiser para sa kaukulang beripikasyon ay natuklasan na ang LPSR na isinumite ng kinatawan ng consignee ay palsipikado at ang shipment ay may aktuwal na halagang $247,000.00 duties and taxes na umaabot ng P1,472,774,00.

Tinatayang aabot sa 89% customs duties and taxes ang dipresensiya sa totoong idineklara ng consignee base sa kanilang isinumiteng mga dokumento.

Dahil dito, si Atty. Charlito Martin R. Mendoza, Acting District Collector ng BOC Cebu ay agad na nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa buong shipment matapos mapatunayang may basehan ang consignee sa paglabag sa Section 1113 (F) and (L) (3), (4), at (5) na may kaugnayan sa Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act.

Kaugnay nito, ang importers at kanilang kinatawan ay binalaan laban sa mga ganitong gawain at sa halip ay ideklara nila ang tama at isumite ang mga orihinal na dokumento para hindi sila maabala sa kanilang mga kalakal at mapatawan ng kaukulang parusa na naaayon sa batas.

Ang naturang pagkakahuli ng shipment ay nakalinya sa walang humpay na kampanya ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero laban sa tinatawag nilang technical smuggling na magpapalugi sa gobyerno sa tamang duties and taxes sa mga imported na kalakal.
(Joel O. Amongo)

219

Related posts

Leave a Comment