Sa QC shootout PDEA UNANG NAGPAPUTOK?

HINDI pa batid ng National Bureau of Investigation (NBI) kung kailan matatapos ang imbestigasyon ukol sa madugong engkuwentro ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) dahil binubusisi pa nang husto ng mga imbestigador ang kaso.

Kasama sa mga inaalam ay kung sinu-sinong mga miyembro ng QCPD at PDEA ang sangkot sa barilan, kung ilan ang eksaktong bilang ng mga nagpaputok ng kanilang mga baril, kung anu-anong bala ang nakuha sa mga namatay at sa crime scene at layo ng mga bumaril sa mga namatay at nasugatan.

Gagawin din ng mga imbestigador ang lahat ng kanilang makakaya upang matukoy kung sino, o sinu-sino ang unang bumaril.

Ang isyung iyan ang pinakamahalaga dahil nauwi ang engkuwentro ng mga tauhan ng QCPD at PDEA sa pagkamatay ng apat na katao.

Kaya hindi itinuturing ng NBI na “conclusive” ang mga paliwanag at sinasabi ng QCPD asset na si Donaite Decena sa kanilang imbestigasyon.

Inamin ni Decena na humingi sa kanya ng tulong ang pamunuan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng QCPD para sa drug operation laban sa isang pinaniniwalaang drug dealer na kinilala sa pangalang “James Tan”.

Ibig sabihin, malalim itong si Decena dahil nadiskubre ng QCPD-DSOU na makauugnay ito kay Tan.

Si Decena ay nakakulong sa bilangguan ng QCPD dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bagama’t hindi pa maituturing na conclusive ang ipinasang salaysay ni Decena sa NBI, sa punto ng kahit sinong beterano at mahusay na imbestigador ay hindi maipagkakailang ‘napakalaki’ at ‘napakahalaga’ ang mga impormasyon na isiniwalat ni Decena sa NBI.

Sinabi ni Decena na makaraang lumapit si QCPD-DSOU Corporal Elvin Garado sa lalaking nakatayo sa tapat ng bukas na pintuan ng kotseng puti, ay biglang mayroong bumaril mula sa malayo.

Sabi ni Decena sa NBI: “Pagtapat ko du’n sa nakatayong nakaitim [na lalaki], nadinig ko [na] sinabi niya na pulis ito”.

Idiniin ni Decena na pagkatapos na mabistong pulis si Garado ay biglang mayroong bumaril hanggang nagkabarilan na ang mga tauhan ng QCPD-DSOU at ng PDEA.

Pinaniniwalaang tauhan ng PDEA ang bumaril kay Garado. Namatay si Garado. Natodas din ang lalaking nilapitan ni Garado na kinilalang si Untong Matalnas.

Ayon kay Decena, si Matalnas ang taong kausap niya upang makabili ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, ang tropa ng QCPD-DSOU sa kampo ni Tan.

Binanggit ni Decena na si Matalnas umano ang kinatawan ni Tan. Itong si Matalnas ang kausap niya sa iniskedyul na pagbili ng shabu sa kampo ni Tan sa Litex, Quezon City noong Pebrero 24.

Ang pagbiling sinasabi ay ang isasagawang buy-bust operation ng QCPD-DSOU laban sa pangkat ni Tan.

Kung paniniwalaang totoo ang pahayag ni Decena, nangangahulugang tinumbok niya sa NBI na bataan ni James Tan si Matalnas.

Ngunit nasiraan ang puting kotse na sinasakyan nina Matalnas at iba pa, dahilan upang pumarada ang nasabing grupo sa parking area ng McDonald’s (katabi ng isang mall) sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Ngunit kahit nasiraan ang sasakyan nina Matalnas ay tuloy pa rin ang transaksiyon nito kay Decena. Kinumpirma ito ni Decena.

Kitang-kita rin sa CCTV footages sa McDonald’s parking area ang inaming ito ni Decena.

Nabatid sa nasabing CCTV footages na nakarating na rin sa NBI at inilabas sa news programs sa iba’t ibang TV stations, na si Decena ang babaeng naglalakad na may dalang bag patungo sa puting sasakyan ni Matalnas at mga kasamahan niya. Si Decena ang babaeng kasunod ni Garado.

Ang laman ng bag ni Decena ay ang perang gagamitin sa isasagawang buy-bust operation ng QCPD-DSOU.

Kailangang mayroong pang magsalita na isa pang tao, mas mainam kung marami, upang mapatotohanang totoo ang mga ibinunyag ni Decena, partikular ang usaping si Matalnas ang kausap niya para sa kampo ni James Tan at biglang mayroong bumaril kay Garado matapos mabistong pulis pala ang taong ito.

Matapos ang madugong engkuwentro, naibalita sa media na PDEA asset si Matalnas. (NELSON S. BADILLA)

308

Related posts

Leave a Comment