IPINASARA ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang dalawang convenience stores sa dahil sa hindi paggamit ng QR code contact tracing system na ValTrace at hindi pagsunod sa health protocols noong Marso 23.
Ikinandado ng mga kawani ng City Business Inspection and Audit Team ang 7-11 Bagbaguin Branch at MiniStop sa Paso de Blas.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga residente sa pamahalaang lungsod na solusyunan ang problema sa pagpapatupad ng social distancing at iba pang health protocols sa pampublikong mga sasakyang bumibyahe sa lungsod.
Ayon sa mga residente, sa gitna ng pagsirit ng COVID cases sa Valenzuela at karatig na mga pook, pinupuno pa rin ang seating capacity ng mga pampasaherong bus at jeep na tumatahak sa mga kalsada sa lungsod.
Bagama’t nababantayan umano ang mga jeep sa terminal ngunit kapag nasa kalsada na ang mga ito ay parang walang nagmo-monitor sa pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong sasakyan
May mga pagkakataon umano, lalo na sa mga bus, na mismong driver at konduktor ang hindi nagsusuot nito o kaya ay hindi wasto ang pagkakasuot.
“Wala sa convenience stores ang hawaan, nasa mga pampublikong sasakyan na punit na plastic lang pagitan ng mga pasahero. Hindi naman nagkakadikit-dikit ang mga tao sa convenience stores, hindi gaya sa mga sasakyan. Bakit kaya hindi iyon ang pagtuunan? Siguro maiisip din yun ng mga magagaling sa city hall, ‘pag mga 50,000 na ang active cases at 10,000 na ang namatay,” hinagpis ng isang residente ng Barangay Karuhatan. (ALAIN AJERO)
