22.5% NG PASAWAY SA NAVOTAS, POSITIBO

UMABOT sa 22.5% ng mga dinakip na pasaway sa safety protocols ang nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas City.

Ito ay makaraang ipasa ang City Ordinance No. 2021-17 na nag-uutos na isailalim RT-PCR swab test ang mga lalabag sa curfew hours, at susuway sa pagsusuot ng faces mask at social distancing.

Batay sa tala ng inarestong protocol violators mula Marso 16 hanggang 19, sa 209 na dinakip ay 47 ang kumpirmadong nasapol ng COVID-19.

Patunay ito na ang mga lumalabag sa safety protocols ay madaling mahawa ng COVID-19 at maaaring maging mga tagapaghasik ng virus.

Samantala, sinabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na ang lahat ay dapat maging responsable sa sariling kalusugan at sumunod sa nabanggit na minimum safety standards para mapanatiling ligtas ang mga mahal sa buhay at ang sarili, dahil hindi makapaghahanapbuhay kung tatamaan ng COVID-19.

Samantala, 28 nahuling lumabag sa curfew ordinance sa iba’t ibang barangay ng Valenzuela City ang binitbit sa St. Jude covered court sa Barangay Malinta at anim na oras na “dinoktrinahan” ng mga parak.

Kabilang sa binunong pakinggan ng mga pasaway mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga ay ang batas sa pag-uulat ng communicable diseases, city ordinances kaugnay ng pag-iwas sa COVID-19 gaya ng curfew, anti-loitering, social distancing, pagsusuot ng face mask, liquor ban, at iba pa.

Nagpalabas din ng video presentation ang pulisya na nagpapakita ng mga epekto ng COVID-19 sa komunidad at mamamayan.

Ipinasara naman ng Valenzuela City Business Inspection and Audit Team ang Alfamart Que Grande, Ugong branch dahil sa hindi pagpapatupad ng paggamit ng QR code contact tracing system na ValTrace at pagsuway sa iba pang health and safety protocols. (ALAIN AJERO)

351

Related posts

Leave a Comment