8 PA PATAY SA 3 CAMANAVA CITIES *239 nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas

WALO pa ang nadagdag sa bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Valenzuela noong Marso 25 habang umabot na sa 3,104 ang active cases.

Apat ang namatay sa Valenzuela City at 950 na ang active cases makaraang 199 ang nagpositibo at 96 lang ang gumaling.

Sumampa naman sa 12,120 ang confirmed cases sa siyudad, kung saan 10,859 na ang gumaling at 311 ang namatay.

Dalawa naman ang namatay sa COVID-19 sa Caloocan at 1,069 na ang active cases.

Umakyat na sa 16,898 ang total confirmed cases, at sa bilang na ito ay 15,229 na ang gumaling at 530 ang namatay.

Dalawa rin ang nadagdag sa COVID death toll sa Malabon City na pumalo na sa 300.

Nabatid sa City Health Department na 110 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 8,840 na ang positive case, 1,085 dito ang active cases.

Umabot naman sa 46 pasyente ang gumaling at 7,455 ang recovered patients ng lungsod.

Samantala, walang naitalang bagong namatay sa COVID-19 sa Navotas City noong Marso 25 ngunit 239 naman ang nagpositibo sa loob ng 24-oras habang 59 lamang ang nakarekober, kaya’t umabot na sa 1,247 ang active cases sa lungsod.

Umakyat na sa 7,861 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, kung saan 6,386 na ang gumaling at nanatili sa 228 ang death toll.

“Dumadami na ang mga ospital na napupuno at ‘di na tumatanggap ng COVID-19 cases. Kahit ang mga pasyenteng hindi COVID ang sakit ay hirap na ring makahanap ng ospital. Sa ating lungsod naman, may mga barangay hall na kinailangang i-lockdown dahil nagpositibo ang kani-kanilang mga kawani,” ani Mayor Toby Tiangco.

Ayon pa sa alkalde, kapag nagpatuloy pa ang paglobo ng mga nahahawaan ng COVID-19, baka hindi na kayanin ng frontliners at pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga pasyente at mamamayan.

“Magtulungan po tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa safety health protocols at boluntaryong pagpabakuna. Libre po ang bakuna sa mga edad 18-anyos pataas na Navoteño o mga nagtatrabaho sa Navotas basta’t magparehistro sa https://covax.navotas.gov.ph,” himok ng alkalde. (ALAIN AJERO)

191

Related posts

Leave a Comment