NAGSIMULA nang rumatsada sa lungsod ng Maynila at Caloocan ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine sa senior citizens.
Sa inilabas na schedule ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kabilang sa senior citizens na binakunahan noong Marso 29 ay ang mga taga-Barangay 128 at 32 sa District 1; Barangay 154 at 210 sa District 2; Barangay 345 at 377 sa District 3; Barangay 576 at 419 sa District 4; Barangay 704 at 803 sa District 5, at Barangay 627 at 604 sa District 6.
Una na ring nabakunahan ang senior citizens sa Barangay 163, at mismong si Vice Mayor Dr. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang nanguna sa pagtuturok ng bakuna.
Nabatid kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, habang tinatapos pa ang pagbabakuna sa healthcare workers, maaari na ring simulan ang pagbabakuna sa senior citizens.
“That’s simultaneous. While we are finishing the healthcare workers, we can start giving the AstraZeneca to our senior citizens and the Sinovac to those with comorbidities,” ayon kay Cabotaje.
Nanawagan din si Cabotaje sa healthcare frontliners na tiyaking kasama sila sa master list na makatatanggap ng COVID-19 vaccine sa lalong madaling panahon.
Samantala, nagpatupad ng granular lockdown sa ilang kalye sa Barangay 28, Caloocan City mula alas-12:01 ng madaling araw nitong Lunes, Marso 29, hanggang alas-11:59 ng gabi sa Linggo, Abril 4, 2021.
Kabilang sa mga lugar na isasailalim sa lockdown ang Barangay Tuna Base/711, Tuna St. cor. Taksay St., hanggang Taksay St. cor. JP Rizal Avenue (Dagat-Dagatan Ave.) hanggang Torcillio St. cor. JP Rizal Avenue.
Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, kinakailangang ipatupad ang lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang mga kalye.
“Mas mahigpit itong extreme enhanced community quarantine (EECQ) na ipatutupad natin sa mga apektadong kalye kaysa ECQ na ipatutupad ng pamahalaang nasyonal. Malaki ang Barangay 28 at kailangan nating makontrol kaagad ang paglaganap ng sakit at batay sa monitoring ng ating City Health Department at ng Caloocan City COVID-19 Command Center ay nakasentro sa mga lugar na ito ang COVID-19 cases,” ani Malapitan.
Sa buong panahon ng lockdown, magsasagawa ng mass swab testing at disinfecting operation ang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Caloocan.
“Alam po namin na maraming apektado subalit hinihingi po namin ang pang-unawa at kooperasyon ng lahat. Mas mahalaga po ang buhay at kaligtasan ng ating mga mamamayan higit sa lahat,” pahayag ni Mayor Oca.
Tiniyak din ng alkalde na mamamahagi ng ayuda ang pamahalaang lungsod sa mga residente na apektado ng lockdown.
Batay sa pinakahuling datos ng Caloocan City Health Department, nakapagtala ito 44 active cases sa Barangay 28.
Kaugnay nito, inumpisahan na rin ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang pagbabakuna sa senior citizens o ang mga nasa ilalim ng A2 category.
Mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon maaaring magtungo ang mga edad 60 pataas na residente ng Barangay 28, sa Kasarinlan Elementary School para sa kanilang pagpapabakuna.
Pinapaalalahanan ang mga magpapabakunang senior citizen na magdala ng sariling ballpen, magsuot ng face mask at face shield at ugaliing sumunod sa health protocols.
Bibigyang prayoridad ang mga sumailalim sa profiling online o sa health center at tinawagan para sa kumpirmasyon ng slot. Gayunman, tatanggap ng mga walk-in kung may available slots para sa naturang araw. (RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)
