VILLANUEVA: AYUDA IBIGAY NA

DAPAT na umanong madaliin ang pagbibigay ng ayuda sa mahihirap na pamilyang apektado ng enhanced community quarantine o ECQ sa Metro Manila at sa ibang karatig na lugar.

Ito ang hiniling ni Sen. Joel Villanueva sa pamahalaan ngayong kasisimula lang ng ECQ sa NCR, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna at marami nang hindi makapagtrabaho dahil sa pagsasara ng ilang sangay ng komersyo.

“Dapat lamang na i-roll out na ang ayuda para sa mahihirap na pamilya alinsunod sa kautusan ng pangulo noong nakaraang linggo. Ang mahigpit na pangangailangan ng mga tao ngayon ay ibang klaseng ECQ, o Emergency Cash sa Quarantine,” giit ni Villanueva.

“Ang quarantine ay parang penitensya ng mga tao. Dalangin ko po na mabawasan ang kanilang hirap,” dagdag ni Villanueva.

Ani Villanueva, maraming “breadwinners” ang apektado ng ECQ at hindi makakapaghanap ng pambili ng pagkain para sa kani-kanilang mga pamilya, lalo na’t ayon sa isang SWS survey, 23 milyong Pilipino ang nagsabing sila ay dumaan sa gutom noong isang taon.

“Hindi eksaherado ang sabihin nating walang pansaing na bigas ang madami sa ating mga kababayan. Marami sa kanila, arawan ang sahod, at nakadepende sa pag-uwi ng breadwinner ang kanilang hapunan at almusal,” dagdag ni Villanueva.

Anang senador, naayos na ng pamahalaan ang sistema sa pagbibigay ng ayuda sa mahigit 18 milyong pamilya kaya’t hindi na magiging problema ang pagtukoy kung sino ang dapat at hindi dapat bigyan ng ayuda.

Ayon pa kay Villanueva, tinatayang P75 bilyon ang suma kung bibigyan ng P5,000 cash aid kada isa sa 15 milyong pamilya, na sa tingin niya umano ay kayang bunuin mula sa budget at sa mga inutang para sa kampanya kontra COVID-19.

“Kung kukuhanin po yan sa utang, itong P75 billion ay 3% ng P2.74 trillion na inutang natin last year. Yang P75 billion, 10 araw lang na loans,” ani Villanueva.

Nakadalawang rounds ng ayuda ang naipamigay ng pamahalaan sa 18 milyong pamilya sa ilalim ng Bayanihan Laws I at II para sa mahihirap na pamilyang apektado ng lockdown noong nakaraang taon.

Napag-alaman ng mga miyembro ng Kongreso at Senado sa kanilang mga pagdinig na mayroon pang P41 bilyon o 26 porsyento ng P165 bilyon sa pondo ng Bayanihan II ang hindi pa nagagamit. (ESTONG REYES)

116

Related posts

Leave a Comment