NAGPOSITIBO sa coronavirus disease (COVID-19) ang may 33 kawani ng lokal na pamahalaan ng San Ildefonso, Bulacan matapos sumailalim sa RT-PCR swab test.
Base sa social media post ni Mayor Carla Galvez-Tan nitong Linggo, ang 33 nabanggit na empleyado ng munisipyo ay agad isinailalim sa home isolation at 14-day quarantine matapos lumabas ang resulta ng isinagawang mass testing sa lahat ng empleyado.
Nabatid kay Toni Rodriguez, Municipal Information Officer, 268 na municipal employees ng San Ildefonso ang sumailalim sa Antigen test na pinamahalaan ni Dr. Jeanette Dela Cruz, municipal health officer at 33 nga sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19.
Upang makatiyak sa kinalabasan ng pagsusuri ay minabuti ng alkalde na isailalim ulit ang mga ito sa RT-PCR test kung saan ay nagpositibo pa rin ang mga nasabing kawani.
Isinagawa ang mass testing dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at upang masiguro na ligtas at maayos na makapagbibigay ng serbisyo ang mga kawani gayundin sa kaligtasan ng mga nagpupunta sa nasabing bahay-pamahalaan.
Agad ding isinagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga kawaning nagpositibo.
Pansamantala namang ni-lockdown ang munisipyo sa loob ng dalawang araw para bigyang daan ang disinfection.
Ayon pa kay Rodriguez, ibinalik na ang operasyon ng munisipyo nitong Lunes ngunit skeletal work force habang full operational capacity ang tanggapan ng MHO at MDRRMO dahil sila ay mga frontline health at non-health workers.
Dagdag pa nito na nasa maayos nang kalagayan ang kanilang alkalde habang kinukumpleto ang 14-day isolation at quarantine procedure. (ELOISA SILVERIO)
209 