TOP 2 MOST WANTED, ARESTADO SA PNP-AKG

HINDI naging hadlang ang pandemya sa COVID-19 sa pagpupursigi ng mga tauhan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, director ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group, para madakip ang isa na namang murder suspect sa Zambonga del Norte.

Ayon sa ulat, nadakip ng AKG-Mindanao Field Unit, ang suspek na si Richard Aguhob y Malayo alyas “Pakdot,” nakatala bilang top 2 most wanted person sa bayan ng Sergio Osmeña, sa lalawigan ng Zamboanga del Norte, sa kasong murder.

Ayon sa ulat, ang suspek ay nadakip noong Martes, Abril 6, dakong alas-11:00 ng umaga sa Purok 3, Brgy. New Tangub, sa bayan ng Sergio Osmeña, ng AKG-MFU team sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Abraham S. Momongan, sa pakikipagtulungan ng mga operatiba ng RMFB9, Senior Osmeña MPS at Mapio-Northern Central Mindanao Satellite Office, sa ilalim ni P/Col. Clarence C. Gomeyac.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Jose Rene G. Dondonyano, presiding judge ng RTC Branch 6, 9th Judicial Region, Dipolog City ngunit walang inirekomendang piyansa.

Ang akusado ay pangunahing suspek sa pagpatay sa isang Carmilo Ori noong Hunyo 25, 2020 sa Purok 2, Brgy. Precisa Frishia, Sergio Osmeña, Zamboanga Del Norte.

Ang walang buhay na biktima ay natagpuan noong Hunyo 27, 2020 sa Decayo River sa Brgy. Nazareth sa nasabing bayan.

Base sa intelligence reports, unang nadakip ang kapatid ng suspek na kasabwat niya sa pagpatay sa biktima, noong Marso 1, 2021, na nakatala naman bilang top 3 most wanted person sa municipal level sa Osmeña MPS.

Habang si Aguhob ay nadakip ng PNP-AKG makaraan ang siyam na buwang pagtatago.

Ang arestadong suspek ay pansamatalang nasa kustodiya ng Sergio Osmeña MPS. (JESSE KABEL)

372

Related posts

Leave a Comment