NADAGDAGAN pa ng 17 ang bilang ng mga namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Abril 9 habang umakyat na sa 4,993 and active cases.
Umakyat naman sa 352 ang COVID death toll sa Malabon matapos na tatlong pasyente ang bagong namatay. Bukod dito, 24 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 10,426 na ang positive cases sa lungsod, 995 dito ang active cases. Umabot naman sa 31 ang mga gumaling at sa kabuuan ay 9,079 na ang recovered patients ng siyudad.
Tatlo naman ang namatay sa Valenzuela City at 1,149 ang active cases makaraang 186 ang magpositibo at 119 lamang ang gumaling. Sumampa na sa 14, 253 ang kumpirmadong kaso sa lungsod at sa bilang na ito ay 12,756 na ang gumaling at 348 na ang namatay.
Wala namang naiulat na namatay sa Navotas habang 1,430 ang active cases habang 149 ang gumaling at 146 ang nagpositibo. Umakyat na sa 9,349 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, kung saan 7,650 na ang gumaling at 269 na ang namatay. (ALAIN AJERO)
