DUTERTE HUMINGI NG AYUDA KAY PUTIN

NATULOY kahapon ang pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Russian President Vladimir Putin.

Habang sinusulat ito ay hindi pa inihahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque ang naging takbo ng usapan ng dalawang lider ngunit isa sa mga inaasahan ay ang posibleng paghingi ng ayuda ni Duterte sa pagtugon sa pandemya sa COVID-19.

Nauna rito, kinumpirma ni Sec. Roque na may nakatakdang pag-uusap “via telephone” ang dalawang lider.

Gayunman, hindi naman sinabi ni Roque kung kailan mag-uusap sina Pangulong Duterte at President Putin dahil ang iskedyul aniya ng chief executive ay “classified as secret.”

“Since sinabi na rin naman ni Senator Bong Go, I can confirm na may usapin po sa telepono ang ating presidente at ang presidente ng Russia,” ayon kay Sec. Roque.

“Yun lang po ang aking masasabi, I cannot even say kung kailan po,” dagdag na pahayag nito.

Disyembre ng nakaraang taon nang muling imbitahan ni Pangulong Duterte si Putin na bumisita sa bansa.

Ginawa ng pangulo ang imbitasyon matapos magprisinta kahapon ng kaniyang credentials si Ambassador Marat Ignatyevich Pavlov bilang bagong ambassador ng Russia sa Pilipinas.

Ayon sa pangulo, oras na matapos na ang problema sa pandemya sa COVID-19 ay makabisita sana si Putin sa Pilipinas para sa ika-45 anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa sa susunod na taon.

Ayon sa pangulo, napakabuting kaibigan ng Pilipinas ang Russia at nakatuwang sa defense and security, health, science and technology at pagpapalago ng ekonomiya ng dalawang bansa.

Ipinagpasalamat din ni Pangulong Duterte sa Russia ang alok nitong bakuna kontra COVID-19 na Sputnik V at kagustuhan nitong maibahagi ang kanilang kaalaman sa teknolohiya hinggil sa vaccine production.

Matatandaang makailang beses nang inimbita ni Pangulong Duterte si Putin na bumisita sa bansa.

219

Related posts

Leave a Comment