NASA 110 wanted personalities na ang nadakip ng mga operatiba ni Philippine National Police-Anti Kidnapping Group director, P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo sa loob lamang ng halos tatlong buwan.
Ayon sa datos na inilabas ni PNP-AKG spokesperson, P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, mula unang araw ng Pebrero hanggang Abril 13, 2021, nasa 110 wanted personalities ang kanilang naaresto bukod sa 13 killed in action sa mga inilunsad na AKG police operations.
Base sa istadistika na ibinahagi ni Col. Lumactod, 52 ang kabilang sa top 1 to 10 level most wanted persons; 39 criminals ang nadakip sa mga ikinasang law enforcement operation habang umaabot naman sa anim ang nasagip na kidnapped victims na may kaugnayan sa POGO operations.
“What could be a better way to follow a command than a resounding statistic that this acclaimed PNP unit has already netted 110 wanted personalities within the period of February 1, 2021 up to April 13, 2021, ani Lumactod.
Sa ulat na isinumite nila sa tanggapan ni PNP chief, P/General Debold M. Sinas, pinakahuli sa kanilang talaan ang pagkakaaresto sa isang civil engineer na professional swindler at nahaharap sa multi-million kaso ng estafa.
Ayon kay Gen. Estomo, hawak nila ngayon ang isang Edmar Estaniel Mora ng San Andres St., Cainta, Rizal na nadakip nina P/Major Ryan Jay Capuros ng PNP-AKG-IRAD na pinamumunuan ni P/Col. Edward M. Cutiyog sa Ayala Alabang, Muntinlupa City, malapit sa Puregold Molito noong Marte ng tanghali
Si Mora ay pinaghahanap sa kasong paglabag sa PD 22 (bouncing check) at pakay ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Peter Filip Sia Abelita, presiding judge ng MTC Branch 132, Quezon City kaugnay sa kasong inihain ng isang Shiela Wu, kilalang construction materials supplier.
Nabatid na bukod sa complainant, sinasabing may apat pang mga negosyante ang nabiktima rin ng suspek sa kapareho ring modus operandi at nagtago nang magtalbugan ang multi-million checks na kanyang inisyu.
Kasalukuyang nasa temporary custody ng PNP-AKG HQs lock-up jail ang suspek para sa documentation. (JESSE KABEL)
405 