(BERNARD TAGUINOD)
DISMAYADO ang lider ng oposisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil mistulang hindi ito natuto sa kanilang trabaho.
“They have never learned!” ani House Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano matapos aminin ng ahensya na sa dalawang linggong pamamahagi ng P1,000 ayuda ay 8% pa lamang ang nabigyan ng tulong pinansyal.
Ang national government ay naglaan ng P22.9 billion para bigyan ng tig-P1,000 ang bawat mamamayan sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan na naapektuhan sa enhanced community quarantine mula March 29 hanggang April 10.
Idinaan ng DSWD sa Local Government Unit (LGUs) ang nasabing ayuda subalit sa nasabing halaga ay 8% pa lamang umano ang naipamamahagi sa loob ng dalawang linggo.
“Last year’s experience should have taught them lessons how to avoid delays in the distribution of the cash assistance,” ani Paduano.
Magugunita na inabot ng ilang buwan ang DSWD noong nakaraang taon bago mabigyan ng ayuda ang mga tao sa ilalim ng Bayanihan 1 kung saan may mga report na halos daang libong pamilya ang hindi nakatanggap ng financial assistance.
“Gutom na ang tao ngunit pahirapan pa rin ang pagkuha ng ayuda kaya normal lang na marami ang magrereklamo,” dagdag pa ng mambabatas.
Maging si Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ay binanatan ang kabagalan ng DSWD sa pagbibigay ng ayuda gayung marami ang nagugutom dahil nawalan sila muli ng hanapbuhay sa ipinatupad na ECQ.
“Nakakalungkot ang sinasapit ng ating mamamayan sa napakabagal at palpak na kilos na ito ng pamahalaan. Ang mawalan sila ng hanapbuhay at mapasok sa panganib ng Covid ay napakalaki nang pasanin para sa kanila,” ani Cullamat.
Pagpapakita lamang umano ito ng kawalang malasakit ng gobyerno sa mga magugutom na mamamayan.
201 