Chinese vessels sa WPS lalong dumami 240 TONS ISDA KADA ARAW LILIMASIN SA PHL (JESSE KABEL)

MAUUBUSAN ng isda ang mga Pilipino sakaling puro fishing vessel ang 240 barko ng China na namamalagi sa paligid ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon sa National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS), dahil sa laking 60 metro, may kakayahan ang 240 barko na makahuli ng 240 tonelada ng isda araw-araw sa pamamagitan ng illegal fishing sa karagatan ng Pilipinas.

Sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga barko ng China sa paligid ng teritoryo ng Pilipinas ay napapanahon na umanong paigtingin ang maritime patrolling sa West Philippine Sea at hingin na rin ang suporta ng international community upang palakasin pa ang protesta laban sa nasabing bansa.

Lantaran na ang pagpapakita ng China na hindi nila siniseryoso ang mga reklamo ng Pilipinas sa kanilang panghihimasok sa Exclusive Economic Zone nito, ayon mismo sa NTF-WPS.

Ilang eksperto ang nagmungkahi sa gobyerno na kunin ang suporta ng international community upang higit na mapatatag ang kanilang protesta laban sa China.

Sa isang forum na inorganisa ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Dr. Collin Koh, isang research fellow ng S. Rajaratnam School of International Studies na dapat umanong i-welcome ng Pilipinas ang pagsama ng iba pang mga bansa sa isyu.

Naniniwala si Dr. Colin na maaaring matakot ang China kung gawing international issue ang sigalot sa South China Sea.

Naniniwala rin si AFP chief General Cirilito Sobejana na may epekto ang presensiya ng mga US warship sa South China Sea at posibleng maging dahilan ito para mabawasan ang mga barko ng China sa disputed teritorries.

Subalit kahapon, lumabas ang mga ulat na mas lalong dumami ang Chinese vessel na nakapaligid sa EEZ ng Pilipinas.

Sa maritime at sovereignty patrols na isinagawa noong April 11, 2021, nasa 240 Chinese vessels ang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.

Mas mataas ito sa orihinal na iniulat na 220 barko ng China na namataan sa Julian Felipe Reef noong nakaraang Marso.

Iniulat ng AFP Western Command na 136 barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) ang nasa Burgos (Gaven) Reef, siyam sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, 65 sa Chigua (McKennan) Reef, anim sa Panganiban (Mischief) Reef, tatlo sa Zamora (Subi) Reef, apat sa Pag-asa (Thitu) Islands, isa sa Likas (West York) Island, at lima sa Kota (Loaita) Island, at 11 sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

Bukod sa 240 Chinese vessels, na-monitor din ang dalawang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Houbei class missile warships sa Panganiban Reef, isang Corvette class warship sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, isang Navy Tugboat sa Zamora Reef, 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa bisinidad ng Pag-asa Islands, 2 PLAN, 3 CCG, at 10 CMM vessels sa Bajo de Masinloc (Scarborough) Shoal na maituturing umanong militarisasyon ayon sa NTF-WPS.

 

Kinasahan sa Kamara

Kaugnay nito, inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang resolusyon para iprotesta at kondenahin ang harassment na ginagawa ng Coast Guard, Navy at militia ng People’s Republic of China sa mga Pilipino sa WPS.

“This August chamber composed of members who are direct representatives of the People, is the most appropriate body to express the sentiments of our countrymen and protest the continuing violation of the rights of the Republic of the Philippines and the Filipino people by elements from Coast Guard, Navy, militia of the People’s Republic of China in the West Philippine Sea,” ayon sa House Resolution (HR) 1707 na inakda ni House committee on national defense and security vice chairman Rep. Ruffy Biazon.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos habulin ng dalawang attack craft ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) na armado ng missiles ang civilian vessel noong Abril 8, 2021 sa WPS.

Patungo sana aniya ng Ayungin Shoal ang civilian vessel nang harangin ito ng China Coast Guard at habulin kahit sa loob na ng teritoryo ng Pilipinas.

“After about an hour trailing the Philippine civilian vessels headed toward mainland Palawan, the China Coast Guard (CCG) ship turned back but was replaced by two smaller vessels that appeared to be Houbei Type 22 missile attack fast craft of the People’s Liberation Army Navy (PLAN),” ayon sa resolusyon ni Biazon.

Naganap aniya ang paghabol at pangha-harass ng PLAN sa civilian vessel sa loob ng 90 nautical miles na malinaw na ilegal na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Kailangan ding kondenahin aniya ng Kongreso ang tila pananakop ng China sa Julian Felipe Reef dahil malinaw na nasa loob ito ng 200 nautical miles na exclusive economic zone ng Pilipinas.

Paglabag aniya ito sa International Law at sa kabila ng diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay nananatili sa nasabing reef ang mga Chinese militia vessel hanggang ngayon at mas dumami pa ang mga ito.

Unang natuklasan ang 220 militia vessels ng China sa Julian Felipe Reef noong Marso 7, 2021. Matapos iprotesta ay nabawasan ang mga barko ngunit ngayon ay muli itong nadagdagan.

“This manifest bullying by the People’s Republic of China through CCG and PLAN as well as the lingering presence of what we are believed to be Chinese Maritime militia is the height of Chinese arrogance and hypocrisy following their persistent call on other to practice respect and promote peace in those water,” ayon pa kay Biazon.

 

Diplomatic protest

Samantala, muling ipinag-utos ni Secretary Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. sa kanyang mga opisyal sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng protesta laban sa pananatili ng mga barko ng China sa maraming bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Kumilos si Locsin makaraang makakuha siya ng impormasyon mula sa media na 240 barko pa ang nakatambay sa iba’t ibang parte ng karagatang bahagi ng WPS.

Idiniin pa ni Locsin sa kanyang Twitter post na hindi na niya ipaaalam sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF -WPS) at hindi na rin hihintayin ang desisyon nito bago kumilos laban sa China.

Inamin ni Locsin na may problema ang TF-WPS.

“I haven’t heard anything from the f*cking NTF-WPS but I’ll take ABS-CBN News’s word for it. Changing my policy of acting only on NTF requests. @DFAPHL FIRE A DIPLOMATIC PROTEST NOW,” tirada ni Locsin.

Halos pitumpu na ang diplomatic protest na isinampa ni Locsin laban sa China dahil sa lantaran at sadyang pagpasok ng mga barko nito sa WPS na teritoryo ng Pilipinas. (BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA)

316

Related posts

Leave a Comment