CAVITE – Binawian ng buhay ang isang 55-anyos na rider habang kritikal ang kanyang angkas nang mabangga ng isang cargo truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang palikong bahagi ng kalsada sa Trece Martires City.
Kinilala ang biktimang namatay na si Florante Rogacion ng Mendez Crossing West, Tagaytay City habang isinugod sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang angkas nitong si Rafael Cruzen, nasa hustong edad, ng Pangil, Amadeo, Cavite.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng cargo truck na si Edmund Neri, 30, ng Creekside, Brgy. Julugan 8, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Richard Chavez ng Trece Martires City Police, dakong alas-3:40 noong Miyekoles ng hapon nang mangyari ang insidente.
Binabagtas ng mga biktima ang Purok 6, Brgy. Conchu lulan ng motorsiklo ngunit pagsapit sa isang palikong bahagi ng kalsada nang tinangka nitong sakupin ang kabilang kalsada ngunit sumalpok ang kanilang sasakyan sa kaliwang bahagi ng cargo truck na minamaneho ni Neri.
Agad nalagutan ng hininga sa insidente ang driver ng motorsiklo habang isinugod sa pagamutan ang angkas nito.
Ayon sa imbestigador, positibo sa alak ang biktima nang mangyari ang insidente. (SIGFRED ADSUARA)
169
