KAILANGANG habulin at panagutin ng Department of Health (DOH) at maging ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ospital na nagpapatong ng sobra-sobra sa presyo ng remdesivir.
Ito ang hamon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa DOH sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability noong Miyerkoles dahil nababaon sa kahirapan ang mga taong tinuturukan ng remdesivir na patuloy na ginagamit sa bansa kahit hindi ito inirekomenda ng World Health Organization.
“Krisis na po tayo. Ang mga tao hindi makalabas puwede po ba proactively tingnan nyo na. makikita nyo naman sa mga hospitals eh. Kung isa-isahan nyo ang mga tao kawawa naman po, lalo na ang mga nasa probinsya na hindi alam ang nangyayari,” ani Defensor kay Dr. Melissa Guerrero ng Pharmaceutical Division ng DOH.
Ayon kay Defensor, hindi makatarungan ang singil ng mga ospital sa mga pasyenteng may COVID-19 dahil sa bawat turok ng remdesivir ay hanggang 10 beses ang patong sa presyo nito sa ospital kumpara sa orihinal na presyo.
Sa presentasyon ni Defensor sa nasabing pagdinig, nagkakahalaga umano ng P1,900 ang isang remdesivir vial subalit pagdating sa ospital ay umaabot na sa P9,000 hanggang P20,000 ang ipinababayad sa mga pasyente.
Kailangan din aniyang kastiguhin ng DOH ang mga ospital at huwag maghintay na may magreklamo bago kumilos ang mga ito dahil marami na ang naghihirap sa gamot na ito.
Galit na ang tao
Sinabi naman ni Deputy Speaker Lito Atienza na galit na ang mga tao sa Food and Drug Administration (FDA) at DOH dahil sa kanilang kabagalan sa pagdedesisyon hinggil sa paggamit ng Ivermectin na tanging pag-asa ng mga Pilipino para gumaling at magkaroon ng proteksyon sa COVID-19.
“We are frustrated with the inability of these two agencies. Galit na ang mga tao,” ani Atienza dahil ang gamot na mura at mayroon nang mga patunay na epektibo sa COVID-19 ay hindi binibigyan agad ng tsansa.
Ang Ivermectin ay nagkakahalaga lamang ng P35 bawat tableta na ayon kay Atienza ay gumaling ang lahat ng binigyan nila.
“Umaasa ako na magkakaroon kayo ng desisyon sa isyung ito at kung hindi kayo magbibigay ng desisyon, palagay ko mapipilitan kaming gumawa ng aksyon na hindi nyo magugustuhan. Recover from very, very deep canal where you are in because of inaction. Inaction is killing people and we cannot allow that. We are angry, people are angry,” ayon pa kay Atienza. (BERNARD TAGUINOD)
