CAVITE – Namatay noon din ang driver ng isang L300 van habang sugatan ang tatlo pang biktima nang tumaob ang nasabing sasakyan makaraang bumangga sa isang kongkretong poste sa Dasmariñas City, sa lalawigang ito, nitong Sabado ng umaga.
Dead on the spot ang biktimang si Pedro Valenciana Jr., nasa hustong gulang, habang nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Lungsod ng Dasmariñas sina Beltran Tupagan Jr., 32; Rodney Purta, 47, at alyas Junel, nasa hustong edad, dahil sa sugat sa kanilang katawan.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Donato Almenario ng Dasmariñas City Police, dakong alas-5:30 nitong Sabado ng umaga nang mangyari ang insidente sa Molino-Paliparan Road, sakop ng Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite.
Minamaneho ng biktima ang Mitsubishi L300 van na may plakang UVO-578, patungo sa north direction nang mawalan ng kontrol sa manibela at bumangga sa kongretong poste.
Pagkaraan ay tumaob ang sasakyan at dumiretso sa madamong bahagi ng kalsada na ikinamatay ni Valenciana habang nasugatan ang tatlo pang biktima.
Nakainom umano sina Valencia at Tupagan nang mangyari ang insidente, base sa salaysay ng kasama nilang si Purta. (SIGFRED ADSUARA)
329
