Sa pagturok ng Sinopharm kay Duterte DUQUE MAARING MAARESTO – DEFENSOR

“SEC. Duque baka maaresto ka dahil hindi rehistrado ang itinurok mo.”

Ito ang mensahe ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kay Health Secretary Francisco Duque III dahil siya mismo ang nagturok ng Sinopharm vaccine kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa video na inilabas ng Malacañang, tinurukan ni Duque ng Sinopharm si Duterte sa kaliwang balikat habang nakamasid si Sen. Christopher ‘Bong’ Go.

Noong nakaraang linggo ay inilunsad ni Defensor kasama si Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang Community Pan-Three sa Matandang Balara, Quezon City kung saan namigay ang mga ito ng libreng Ivermectin tablets.

Subalit dismayado ang dalawang mambabatas matapos atasan ng FDA na pinamumunuan ni Usec. Eric Domingo at DOH ni Duque na imbestigahan ang mga doctor na nagreseta ng Ivermectin dahil hindi pa umano rehistrado sa bansa ang nasabing gamot.

Ang Sinopharm ay hindi pa binibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) kaya hindi pa ito rehistrado at hindi puwedeng gamitin sa bansa.

“Sa BAGAL ng DOH at FDA na aprubahan ang SINOPHARM vaccine ay NAUNAHAN pa sila ni Presidente Duterte na magpabakuna nito,” ayon sa Facebook post ni Defensor.

“They should take the cue from the PRESIDENT at bilisan nila ang AKSYON nila katulad din ng sa IVERMECTIN,” dagdag pa ni Defensor.

Hindi kinuwestiyon ng mambabatas ang pagpapaturok ni Duterte ng unregistered vaccine dahil karapatan aniya ng pangulo na ito ang gamitin sa kanya para maproteksyunan sa COVID-19.

Gayunpaman, sinabi ni Defensor na, “katulad ng lahat ng PILIPINO, karapatan natin na inumin ang sa palagay nating gamot na makakatulong sa atin” at “buhay natin ang nakataya!”

Ito aniya ang tinatawag na extra ordinary time requires extra ordinary measures” kaya dapat din umanong bilisan ng FDA at DOH ang pagdedesisyon sa Ivermectin drug na marami na umanong patunay na nakagagamot at kayang magbigay proteksyon laban sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

135

Related posts

Leave a Comment