Para madagdagan ang frontline health workers NON-REGISTERED NURSES IDEPLOY

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng dumaraming health professionals na tinamaan ng COVID-19, pinadedeploy na ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mga nagtapos ng nursing course subalit hindi pa rehistrado dahil naghihintay pa ang mga ito ng kanilang board exam.

Ginawa ni Speaker Lord Velasco ang nasabing mungkahi upang madagdagan ang puwersa sa paglaban sa COVID-19 lalo na’t patuloy na dumarami ang kaso araw-araw.

“Since na-postpone din recently ‘yung nursing board exam, we can actually tap ‘yung mga supposedly magbo-board exam and use them as health workers,” mungkahi ni Velasco sa Professional Regulation Commission (PRC).

Nagpasya ang PRC na ipagpaliban ang unang batch ng nursing board exam na nakatakda sa Mayo 31 sa kahilingan ng Philippine Nursing Association dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 at sa halip ay isasagawa ito sa November 21 at 22.

Taon-taon ay hindi bababa sa 21,000 ang kumukuha ng nursing board exam kaya karagdagang puwersa ang ito kapag pinayagan silang tumulong sa sektor ng kalusugan ngayong panahon ng pandemya.

Sa ngayon ani Velasco ay kailangang-kailangan ang karagdagang puwersa sa sektor ng kalusugan lalo na’t marami sa mga health professional ang nagkasakit o nahawa ng COVID-19.

Batay sa datos ng DOH noong ika-25 ng Abril, aabot sa 17,365 manggagawa sa kalusugan ang nahawa ng COVID-19 at 195 sa mga ito ay kabilang sa aktibong kaso. Habang 88 ang pumanaw.

“Sila ang ating yaman na maaari nating pakinabangan upang masugpo ang pandemya,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat umanong ikonsidera ng PRC ang pagdedeploy na sa mga ito kahit wala pang lisensya.

Umapela rin ang lider ng Kamara sa taumbayan na huwag maging kampante at patuloy na sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask kahit saang lugar.

“Napapansin ko when I go around na there’s still a lot of people not following the protocols. Meaning, ‘yung pinaka-basic man lang, ‘yung pagsuot natin ng face mask. Kahit ‘yun man lamang – ‘yung pinaka-basic,” dagdag pa nito.

122

Related posts

Leave a Comment