MARAMING natatanggap na reklamo ang PUNA mula sa mga motorista na dumadaan sa dalawang lugar dyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ginawa na raw ang lugar na tambayan ng mga kotongerong traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay sa may area ng Luzon Avenue sa bandang gilid daw ng Loyola Crematorium pati na ang sa may Camaro St. sa area ng Fairview.
Halos 24-oras na makikita ang mga MMDA traffic enforcers sa panulukan ng Luzon Ave., at Commonwealth Avenue.
Target daw ng mga enforcers doon ay ang mga truck na lumiliko patungong Novaliches at San Jose Del Monte, Bulacan.
Mas marami ang kanilang hinuhuling mga truck sa dis-oras ng gabi na kung kaylan kadalasan ang paglabas ng mga malalaking sasakyan.
Tulad ng mga truck na may kargang mga gulay at prutas pati na mismo ang mga truck na nagdadala ng buhangin para sa LRT 7 project sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Mga motorsiklo naman ang target ng mga kotongerong MMDA traffic enforcers sa panulukan ng Camaro St sa Fairview at Commonwealth Avenue.
Sinasadya raw ng mga enforcers dun sa mismong kanto ng Camaro Street na magtago sa madilim na bahagi sa lugar para mabulaga nila ang mga dumadaan na motorsiklo.
Kung sa panulukan ng Luzon Avenue at Commonwealth Avenue ay kadalasan ang panghuhuli sa mga truck ay tuwing dis-oras ng gabi hanggang madaling-araw, sa Camaro St., ay tuwing rush hour naman habang nasa kasagsagan ng trapik sa lugar.
Ang mga biktimang mga motorsiklo ay ang mga dumadaan sa bangketa.
Mula isang daang piso pataas ang aregluhan sa mga enforcers para pakawalan nila ang kanilang mga nahuling violators.
Siyempre, mas mataas ang presyuhan at kotongan sa mga hinuhuling mga truck.
Kaya hindi tayo magtataka na isa sa mga dahilan kung bakit napakamahal ng mga agricultural products sa mga pamilihan ay dahil sa mga ganitong walang tigil na pangongotong ng mga awtoridad sa mga delivery truck.
Ang tanong ngayon ng PUNA kay MMDA Chairman Benhur Abalos kung hanggang 24-oras ba ang duty ng inyong mga traffic enforcers?
Pagdating kasi ng alas-10 ng gabi sa lugar na ito ay wala ng traffic na maaaring ayusin ng inyong mga tauhan.
Simula kasi ng maging MECQ na ang NCR + bubble ay inadjust na rin ang curfew hour mula sa dating 6pm hanggang 5am ay naging 10pm hanggang 4am na.
Ano pa ang ginagawa ng mga traffic enforcers sa kanto ng Luzon at Commonwealth Avenue para hulihin ang mga truck na dumadaan sa area?
Nakatutulong ba yan sa takbo ng ekonomiya ng Pilipinas? Lalo na ngayon na bagsak na bagsak na dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
O ang mga bulsa lang nila ang kanilang binubusog?
Hindi kasi pumapasok sa kaban ng bayan ang kanilang nahuhuli kasi sa kanilang mga bulsa naman napupunta ang mga lagay.
Anak kayo ng mga ina ninyo! Kapag ganito ang natatanggap na reklamo ng PUNA ay mabilis na humahaba ang ating balbas.
Minsan may nakausap tayong MMDA enforcer riyan sa kanto ng West Avenue at Mindanao Avenue sa tabi ng Veterans Hospital ay sinagot tayo ng pabalagbag na sinabi niyang hindi niya Boss si MMDA GM Jojo Garcia na nainterview natin minsan sa ground breaking ng ferry terminal sa Cardona, Rizal.
Sa tingin ng PUNA mabait naman si GM Garcia, pero ang kanyang mga tauhan ay mga bastos kung magsasagot sa kanilang mga kausap?
Saan kaya sila humuhugot ng kapal ng mukha at bakit ganun ang kanilang mga ugali?
Kulang ba sila sa seminar o pangaral na nasa gobyerno sila?
Sana maaksiyunan itong reklamo ng mga bossing sa MMDA.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
219 