NANGUNGUNA si Senadora Ana Theresia “Risa” Hontiveros sa 24 na senador na bumabanat sa human trafficking.
Ang komite tungkol sa kababaihan at kabataan na pinamumunuan ni Hontiveros ay siyang nag-iimbestiga tungkol sa human trafficking.
Nitong Martes, Mayo 4, ay nagkaroon na naman ng panibagong pagdinig ang komite.Ang pinakabagong ibinunyag ni Hontiveros ay ang diskarteng “baklas passport”.
Pokaragat na ‘yan!
Nadiskubre ng mambabatas ang baklas passport mula sa tatlong biktima ng human trafficking sa Mindanao.
Ang mga biktima, kung saan 14 – anyos lang ang isa sa kanila ay pinagtrabaho sa Syria.
Alam ni Hontiveros na matagal nang krimen ang human trafficking na isinasagawa ng ilang opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI).
Katunayan, si Hontiveros ang nagsiwalat sa Senado tungkol sa human trafficking.
Sabi niya, matagal nang nagaganap ang human trafficking.
Ang mga gumawa ng krimen na ito ay mga taga-BI, ratsada ni Hontiveros.
Napakarami nang babae ang nabiktima na naipadala sa Syria, aniya.
Kung makitid ang isip ko, pihadong humanga ako nang husto kay Hontiveros.
Baka nga, manawagan na ako kay Pangulong Rodrigo Duterte na italaga ang senadora sa BI kapalit ni Jaime Morente dahil mukhang siya ang ‘solusyon’ upang masawata ang human trafficking sa bansa.
Kaso, ang totoo ay nakadidismaya nang todo si Hontiveros dahil palpak ang kanyang ‘pakikibaka’ laban sa human trafficking.
Ang nadiskubre lang ni Hontiveros ay sa Syria lang naipapadala ang mga Filipina na biktima ng human trafficking.
Pokaragat na ‘yan!
Ang totoo, ayon sa isang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), maging sa ibang bansa ay matagal nang napapadalhan ng mga babae, sa pamamagitan ng human trafficking.
Hindi pa niya natutumbok hanggang ngayon kung sino ang utak, o lider, ng human trafficking.
Maging ang mga kasapi ng grupo sa BI na sangkot sa human trafficking ay hindi pa lahat nabubunyag ni Hontiveros.
Pokaragat na ‘yan!
Tingi-tingi ang mga inihahayag ni Hontiveros sa Senado at sa media.
Kung totoong kabisado ni Hontiveros ang ‘nadiskubre’ niyang napakasahol na human trafficking sa Pilipinas, dapat alam niya ang lahat ng isyu tungkol dito, kabilang siyempre ang pinuno ng sindikato sa BI.
Ngunit, kung malalaman pa lang ito ng senadora sa isasagawang pagdinig ng komite sa Senado ay pihadong malabong mangyari ito dahil hindi alam ng mga biktima ng human trafficking ang pinuno ng krimeng ito.
Kaya, trabaho ni Hontiveros na alamin at tumbukin ang pinuno at mga miyembro ng sindikato sa BI.
Ngunit, hindi ako nagtataka kung patingi-tingi ang mga pahayag ni Hontiveros kung ginagamit lang niya ang isyu bilang materyal sa muli niyang pagtakbo sa Senado sa 2022.
Ibig sabihin, nagpapabango lang si Hontiveros sa mga Filipino.
Si Hontiveros ay nanalo noong 2016 sa tiket ng Liberal Party (LP).
Puwede pa siyang tumakbo uli sa 2022 sa tiket pa rin ng LP, o sa oposisyong pinamumunuan ng magpinsang dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating Ombudsman Conchita Morales – Carpio.
Siyempre, walang masama rito dahil karapatan naman ni Hontiveros na maging senador pa rin mula 2022 hanggang 2028.
Ngunit, nakadidismaya naman kung mananatili pa rin siyang kasapi ng mataas na kapulungan ng Senado kung palpak ang kanyang pakikibaka laban sa sindikato ng human trafficking sa BI.
Hindi magandang palpak ang laban natin sa human trafficking dahil ang kawawa rito ay ang mga Filipina na nagiging biktima lamang ng prostitusyon sa ibang bansa.
131 