MGA TAO KANYA-KANYA NA ANG DISKARTE

MARAMING depressing stories ang nakakarating sa inyong lingkod mula sa probinsya na may kaugnayan sa COVID-19. Maraming nagkakasakit at ­marami rin ang namamatay na hindi na ibinuburol.

Nitong nakaraang mga araw, nalaman natin na marami sa mga taga-probinsya ang nagkakasakit pero hindi na sila nagpapa-check up dahil sa takot na mas lalo silang mamamatay kapag pumunta sila sa ospital.

Sa probinsya ay mas mabilis na kumalat ang balita dun kahit walang media dahil kapag nagkuwento ang isa, ikukuwento naman ng napagkuwentuhan sa iba hanggang makarating sa buong barangay at bayan.

Habang kumakalat ang balita, nahahaluan na ng sariling opinyon tulad halimbawa ng “pumunta lang sa ospital para sa kanyang check-up pagdating doon idineklara na COVID-19 positive tapos namatay na” o kaya “malakas naman siyang pumunta sa ospital tapos pag-uwi bangkay na”.

Dahil dyan, lalong natatakot ang mga tao na magpa-check up kaya kapag nakakaramdam sila ng sintomas ng COVID-19 tulad ng kawalan ng panlasa, walang pang-amoy, nage-LBM, nahihirapang huminga at mataas ang lagnat ay ginagamot na lang nila ang kanilang sarili.

Bumabalik sila sa tradisyon tulad ng pag-i-steam para lumuwag ang kanilang paghinga , umiinom ng paracetamol at kung ano-ano pang paraan na alam nila para gumaling sa kanilang karamdaman.

Alam nila na ang nararanasan nilang sintomas ay COVID-19 na pero ayaw nilang magpacheck up dahil sa mga nakakalungkot na kuwento ng mga taong idineklarang COVID-19 pagdating sa hospital at namatay agad at hindi na binigyan ng maayos na burol dahil ang mga namamatay, agad na ibinalot daw sa plastic, dineretso sa sementeryo para ilibing kahit hating gabi na.

Hindi lang sa mga naririnig nilang malungkot na kuwento ang dahilan kung bakit itinatago ng mga tao ang kanilang karamdaman, takot na takot sila sa gastos lalo na’t wala silang matatag na hanapbuhay.

Alam nila na hindi biro ang gastos sa COVID-19 at wala silang kakayahang gastusan ang kanilang sarili o ang kanilang pamilya kapag naospital na dahil sa virus na ito na kumalat sa bansa dahil ayaw ng ilan nating lider na masaktan ang damdamin ng China.

Ano na naman ang punto ko? Kalat na hindi lang sa mga urban centers lalo na sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan ang COVID-19. Kahit sa kasuluksulukan ng ating bansa ay marami na ang nagkasakit sa COVID-19.

Akala natin ay sa Metro Manila plus bubble lang malala ang pandemya pero kung masuri lang ang lahat ng taga-probinsya, baka mas malala ang sitwasyon natin.

Tanging sa Metro Manila at mga karatig lalawigan at ­malalaking siyudad lang merong mass testing at contract tracing pero sa mga probinsya walang nangyayaring ganyan kaya hindi malaman ang totoong lawak ng pandemya.

Hindi ginagastusan ang mass testing at contact tracing at ayaw ring makipagtulungan ng mga tao dahil sabi ko nga, takot silang magpacheck-up at maospital dahil sa mga pangit na kuwento pinagpasa-pasahan ng mga tao.

Kanya-kanyang diskarte na lang ang mga tao para gumaling sa kanilang karamdaman kapag nagkaroon sila ng sintomas ng ­COVID-19 at bumabalik sila sa tradisyon na steam o pagsusuob na ayaw ipagawa ng Department of Health (DOH) sa mga tao dahil wala raw ebidensya na nakakatulong ito sa paggamot sa COVID-19.

Wala ng ibang solusyon sa problemang ito kundi bakuna pero sabi nga “somebody drop the ball” kaya limitado lang ang bakunang dumarating sa ating bansa at karamihan ay gawang China pa. Lord Kayo na Po ang bahala.

138

Related posts

Leave a Comment