KALABOSO ang dalawang babae sa Cauayan City, Isabela sa diumano’y ilegal na pagpa-practice ng medisina sa isang skin care clinic.
Sinalakay ang kanilang clinic ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Food and Drug Administration (FDA) at Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Ayon sa ulat, naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa umano ng botox at glutathione injections sa mga kliyente, kapalit ng bayad na umaabot sa P15,000 at P3,500 kada sesyon.
Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang iba’t ibang medical paraphernalia tulad ng botox vials, mga hiringgilyang may laman na substance, saline solution at iba pang kagamitan.
Nabatid sa imbestigasyon, nabigo ang mga suspek na magpakita ng lisensya para magsagawa ng naturang medical procedures.
Hindi rin umano sila rehistradong doktor o lisensyado ng Board of Medical Examiners.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Medical Act of 1959 at Food and Drug Administration Act of 2009.
(TOTO NABAJA)
135 