ARESTADO sa entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang mag-ina matapos umanong kikilan ang babaeng hinack ang Facebook account, kapalit ng hindi pagpapakalat sa social media ng sex video ng biktima sa Sta. Mesa, Manila.
Ayon sa ulat ng NBI-Sarangani District Office, bumiyahe pa mula sa Sarangani, General Santos City ang biktimang si “Amor” matapos itong payuhan na pumunta sa Manila.
Makaraang mapagkasunduan ng biktima at ng mag-inang sina Maricar Sena at si Jingky Joy Sena ang pagpapadala ng pera, ay agad ikinasa ang entrapment operation sa Palawan Express Pureza Branch sa Sta. Mesa.
Sa aktong tatanggapin ng matandang Sena ang P1,500 at P500 halaga na ipinadala ng biktima sa Palawan Express, ay inaresto ito ng mga tauhan ng NBI.
Inamin ng suspek na kasabwat niya ang kanyang anak kaya dinakip din ng mga awtoridad.
Nag-ugat ang reklamo ng biktima sa NBI-Sarangani District Office makaraang ma-hack ng batang Sena ang account ng biktima.
Agad nitong pinalitan ang password saka ipinadala sa mga kaibigan ng biktima ang sex video nito.
Ayon sa biktima, sinabi ng mga suspek na ititigil ang pagpapakalat ng sex video kung magpapadala siya ng pera sa mga ito.
Noong Abril 9 at Abril 11, nagpadala ng pera ang biktima sa pamamagitan ng Palawan Express na naging dahilan para madakip ang mga suspek noong Abril 28.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mag-ina sa Manila Prosecutors Office sa kasong robbery extortion na may kaugnayan sa RA10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012, at paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009. (RENE CRISOSTOMO)
195 