Eugene Torre, World Chess Hall of Famer na

HUMIHINGI ng paumanhin ang SALA SA INIT… SALA SA LAMIG kay Filipino Chess Grandmaster Eugene Torre na naidambana na pala ng World Chess Federation sa World Chess Hall of Fame noong ika-20 ng Abril 2021.

Kulang isang buwan nang huli ang SALA SA INIT …para bigyan ng pagkilala ang isang bayani ng Philippine sports na nakapagbigay ng karangalan hindi lamang sa kanyang sarili kundi maging sa bansa at sa larangang napili niya  hanggang sa maging Grandmaster siya. Pero naniniwala kami, ‘huli man ay naihahabol din.’

Ang pagiging GM ang pinakamataas,  maliban sa pagiging world champion, na posibleng ­marating ng isang manlalaro ng chess sa kanyang playing career.

Nasa 22 taong gulang pa lamang si Eugene nang magawaran ng titulo bilang GM at naging kauna-unahang Filipino at Asyano na nabigyan ng karangalan sa bisa ng  kanyang silver medal ­finish sa 21st Chess Olympiad na idinaos sa Nice, France.

Ipinanganak noong Nobyembre 4, 1951, ang ngayon ay 69 anyos na si Eugene ay umabot sa pang-20 puwesto sa daigdig noong 1983 para maging semifinalist sa world candidates for the world championship base sa kanyang 2580 FIDE rating noon.

Nahirang siyang kandidato para maging ­miyembro ng Philippine Sports Hall of Fame noong kauna-unahang edisyon ng PSHOF noong 2010, subalit hindi pinahalagahan ng selection committee ang kanyang nagawa, sa kabila ng argumentong isinumite ng reporter/kolumnistang ito na ang titulong GM ay katumbas ng gintong medalya sa isang pandaigdig na kampeonato sa ibang ­

larangan ng sports.
Dahil sa kakulangan ng pananaliksik ng mga miyembro noon ng PSHOF, o kawalan ng kaalaman ng mga kinauukulang nakaupo sa lupong magpapasiya, ilang nominado na kabilang si Torre at ang batikang Filipino tennis player na si Felicisimo Ampon ay hindi napabilang sa mga pinarangalan.

Noong pangalawang grupo lamang ng PSHOF inductees noong 2016 napasama si Eugene kabilang sina Inocencia Solis, Isaac Gómez at Mona Sulaiman ng athletics; Edgardo Ocampo, Kurt Bachmann at Mariano Tolentino ng basketball; Raymundo Deyro, Johnny Jose at Ampon ng lawn tennis; Adolfo Feliciano at Martin Gison ng ­shooting; Gerardo Rosario, Mohammad Mala, Jacinto Cayco at Haydee Coloso-Espino ng swimming; at Salvador del Rosario ng weightlifting.

Si Torre, Polish-Argentine GM Miguel Najdorf at Hungarian Judit Pulgar ang ilan sa mga nasa listahan ng nanombrahan ng FIDE noong online council meeting noong Abril 20. Bago si Torre, ang Chinese woman chess ­legend na si Xie Jun ang naunang  Asyano na ­naidambana ng FIDE, kabilang din ang mga chess icons na sina Garry Kasparov, Anatoly Karpov at Bobby Fischer.

Bukod sa kanyang pagiging World Hall of ­Famer, si Eugene ay nagmamay-ari rin ng isang silver at tatlong  bronze medals mula sa World Chess Olympiad kung saan ay may rekord siyang most appearances (25) including 23 mula noong 1973.

Maipagmamalaki rin ni Eugene ang kara­ngalang kauna-unahang Pilipinong tumalo noon kay naghaharing world champion Karpov sa isang torneong idinaos sa Maynila. Si Karpov na naging kumpare niya ay pinagharian ang larong chess mula noong 1975 hanggang 1985.

Ang pagkakadambana niya sa World Hall of Fame, ani Torre sa panayam ng inyong lingkod noong nakaraang linggo, ay patunay na para maging Hall of Famer, lalo sa larong chess, hindi kinakailangan ang gagawaran ng karangalan ay retirado.

Tinutukoy ni Eugene ang  nangyari sa kanyang kapwa GM na si Joey Antonio, na pinagkaitan ng Philippine Sports Hall  of Fame selection committee na mapabilang sa itinaas sa PSHOF noong nakaraang buwan lamang sa dahilang siya ay hindi pa retirado.

“The Philippine Sports Hall of Fame is a way of honoring  Filipino athletes, trainers and coaches for their invaluable contribution to the growth of Philippine sports during the entirety of their athletic career,” aniya.

“Walang probisyon ang batas na nagsasabing kailangan retirado ang idadambana dito,” giit ni Torre. “That decision to deny GM Joey of membership in the PSHOF was unfair to him and to those who will be nominated but refused recognition in the future.”

470

Related posts

Leave a Comment