QUARANTINE STATUS SA ILANG LALAWIGAN PINALITAN NG IATF

INAPRUBAHAN ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang apela ng siyudad ng Zamboanga para mapasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ito ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay ‘effective immediately” at tatagal ng hanggang Mayo 14, 2021.

Bukod dito, inaprubahan din aniya ng IATF ang apela ng Tacloban City na mapasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ).

Tulad ng Zamboanga, ‘effective immediately” rin ang status sa Tacloban at tatagal ng hanggang Mayo 31, 2021.

Samantala, pinayagan ng IATF ang mga indibidwal na edad 15 hanggang 17 na makalabas ng bahay para makapag-parehistro para sa Philippine Identification System.

“Uulitin ko po, ang mga menor de edad, 15 to 17 kasama rin po ang mga seniors.. iyong mga above 65 eh palalabasin lang po ng kanilang mga tahanan para po mag-rehistro sa Philippine Identification System at siyempre po, iyon dating rule na kapag kinakailangan para kumuha ng essentials o kinakailangan para magtrabaho eh hindi po iyon apektado,” ayon kay Sec. Roque.

Kasama rin aniya sa inaprubahan nitong Huwebes, Mayo 6, ang protocols para sa lahat ng inbound travelers o lahat ng papasok na pasahero sa Pilipinas, kahit ano pa ang vaccination status, sa lahat ng ports of entry, na kasama ang 14-day quarantine sa lahat ng arriving travelers.

“Ang ibig sabihin po, kahit bakunado na ang mga Filipino, susunod pa rin po sa bagong protocol. Ano ho ba ang bagong protocol ngayon sa kahit sino na papasok sa Pilipinas? Mandatory na po ang 14 days quarantine. Now, pero ang rule po ay ‘absolute facility quarantine ng 10 araw at iyong huling 4 na araw at dapat po home qauarantine sa kanilang lugar na pupuntahan at kinakailangan na magkaroon po ng ugnayan sa lokal na pamahalaan para masigurado po iyong home quarantine sa natitirang 4 na araw,” paliwanag ni Sec. Roque.

Bukod pa aniya rito ay kinakailangan magpa-swab test o sumailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing sa pang-7 araw ng facility quarantine at kinakailangan din ipadala sa Philippine Genome Center ang mga resulta ng swab testing para malaman kung positibo ang mga ito sa COVID-19 at anong variant ang tumama sa kanila.

Ipatutupad naman aniya ang strict symptom monitoring ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Kaugnay nito, inatasan ng IATF ang Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Transportation (DOTr), Department of Labor and Employment (DOLE), BOQ, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maglabas ng advisories ukol sa kasalukuyang testing at quarantine protocols.

Mangunguna naman ang Department of Tourism (DOT) sa “One Hotel Command” upang masiguro na mayroong sapat na mga kuwarto para sa isolation ng 10 araw kasama ng iba pang mga ahensiya para mapabilis din na matugunan ang mga pangangailangan at mga katanungan ng mga nasa facility-based quarantine.

Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) naman ayon kay Sec. Roque, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP), ay tutulong sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagbibigay ng seguridad sa quarantine facilities.

Makikipag-ugnayan naman ang DOH sa OWWA, DOTr, DOT, BOQ, at sa University of the Philippines-National Institute of Health para mapaganda ang kasalukuyang symptom tracking mechanisms at makapagbigay ng karagdagang personnel o dagdag na tao para magproseso at mag-asikaso ng symptom tracking information.

Kailangan naman aniyang tiyakin ng DOTr na maisasagawa ang swabbing sa ika-7 araw at ang resulta ng test ay maipadala ng ika-9 na araw.
Samantala, patuloy ang double swabbing sa ika- 7 araw kung kinakailangan para sa ‘whole genome sequencing.’

Inaprubahan din aniya ng IATF ang kahilingan ng Samahan Basketbol ng Pilipinas na mag-host ng International Basketball Federation (FIBA) Asia Cup Qualifiers sa Hunyo 2021 sa ilalim ng “bubble-type” setting sa Clark, Pampanga, “subject to health and safety protocols.”

Pinayagan din aniya ng IATF ang pagsasagawa ng laro o scrimmages at practice ng Philippine Basketball Association sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at MGCQ, “subject to proper health and safety protocols” na pag-aaralan din muna ng Games Amusement Board.

Kasama rin sa pinayagan ng IATF ang mga karera ng kabayo sa mga luar na nasa ilalim ng MECQ subalit ito aniya ay sa ilalim ng “no-audience set up.”

Ang tanging pinapayagan ay online at TeleBet activities sa NCR Plus.

Ang Off-tracking betting stations, sa kabilang banda ay maaari lang bumalik sa operasyon sa ilalim ng GCQ o MGCQ.

At ang panghuli, ani Sec. Roque ay inaprubahan ng IATF at in-adopt ang Guidelines on Point-to-Point Air Travel for Leisure Purposes mula sa NCR Plus Areas ng DOT. (CHRISTIAN DALE)

169

Related posts

Leave a Comment