TINIYAK ni vaccine czar at Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na mabibigyan na ang mga senior ng kanilang ikalawang dose ng Astrazeneca.
Sinabi ni Galvez kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may makukuha na isa hanggang dalawang milyong Astrazeneca ngayong buwan.
“So ang magandang balita po natin, Mr. President, maganda po ‘yong ano maganda po ‘yong magiging volumes po natin this May dahil may positive po na nangyari na ‘yong COVAX mukhang makakapag-deliver na po ng Pfizer at saka ng AstraZeneca. So ‘yong second dose po, Senator Bong Go, ‘yong second dose wala na po tayong problema,” ayon kay Galvez.
“Mayroon po tayong makukuha ngayong May more or less baka mga 1 million or 2 million na AstraZeneca,” dagdag na pahayag nito.
Galing aniya sa COVAX facility ang mga paparating na AstraZeneca vaccine na una nang rekomendadong bakuna para sa mga nakatatanda.
Ang hinihintay na lamang nila aniya ngayon ay ang eksaktong petsa na agad naman nilang ipaaalam sa publiko.
“Iyong definite date lang po ang ina-ano po natin. So matutuwa na po ‘yong mga nakapag-first dose dahil kasi mayroon pong padating na COVAX na AstraZeneca,” aniya pa rin.
Matatandaang, unang nagtakda ang gobyerno na Astrazeneca lamang ang eksklusibong gagamitin sa mga may edad ngunit kalaunan ay pinayagan na rin ang Sinovac ng China sa mga elderly.
Nauna nang inihayag ni Galvez na maaari nang makapamili ang mamamayan kung anong brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang nais nilang iturok sa kanila pagdating ng buwan ng Agosto hanggang Disyembre.
Siniguro ng kalihim na may pitong vaccine brands na ang nasa bansa sa mga nasabing buwan.
Mayroon nang Sinovac, AstraZeneca at Sputnik V sa bansa. Bukod dito, tatanggap din ang Pilipinas ng Moderna, Novavax, at Johnson & Johnson gayundin ng Pfizer.
“Halos lahat po darating po ang mga bakuna. Susunod po na tatanggapin po natin, Moderna, Novavax, at itong Johnson & Johnson, and hopefully itong Pfizer po.
So, pito po iyan, pitong brand po na portfolio po natin. Darating po iyan,” ani Galvez. (CHRISTIAN DALE)
160 