PORMAL nang sumulat ang gobyerno ng Pilipinas sa foreign contractor na inupahan o inarkila para mag-install ng libreng Wi-Fi sites sa buong bansa para tuluyan nang alisin sa proyekto.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpadala na ng demand letter ang Department of Information and Communications Technology sa service provider Speedcast, na naglalaman na tapusin na ang kanilang kasunduan na free public internet access program sa bansa.
Hiniling din sa nasabing foreign company na ibalik ang perang ibinayad ng pamahalaan para sa Wi-Fi sites na hanggang ngayon ay hindi pa naikakabit.
“Ang demand po nila ay itigil na ang proyekto dahil DICT na po ang gagawa ng proyekto. At ang perang binayad sa kanya na ‘di naman niya naikabit by way of Wi-Fi spots ay dapat ibalik,” ayon kay Sec. Roque.
Binanggit ni Sec. Roque ang sinabi ni DICT Usec. Emmanuel Caintic na mayroon na lamang hanggang kahapon (Biyernes, Mayo 7), ang nasabing contractor para tumugon sa mga kahilingan.
Nauna rito, naalarma ang Malakanyang sa mabagal na implementasyon ng P1.3-billion nationwide free Wi-Fi project ng pamahalaan.
Ani Sec. Roque, sa kasalukuyan ay 10,000 sites pa lamang mula sa 120,000 sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mayroong free internet access.
Aniya, “unacceptable” ito dahil 10,000 sites pa lamang ang nagawang maghatid ng libreng Wi-Fi access simula nang mapirmahan noong Agosto 2017 ang Republic Act (RA) 10929 o ang “Free Wi-Fi for All” program.
“Mula noon hanggang ngayon eh talagang medyo nakakabahala po iyong bagal nang pag-implement nitong libreng Wi-Fi ‘no,” ayon kay Sec. Roque.
Giit ni Sec. Roque na hindi masaya ang pamahalaan sa performance ng multinational contractor, Speedcast, na kinuha ng United Nations Development Program (UNDP) para mag-import ng telecom equipment para sa free Wi-Fi project.
“Bilang isang pangunahing awtor nung batas, siyempre po hindi tayo happy. Kinakailangan ang pangako natin libreng Wi-Fi sa lahat, dapat magkaroon pa rin iyan ng katuparan sa administrasyon ni Presidente Duterte and we have one year to go,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Sinang-ayunan naman nito ang desisyon ng DICT na alisin na ang Speedcast mula sa proyekto.
Sa gitna ng mga kontrobersiya, sinabi ni Sec. Roque na ang DICT ay may sapat na kakayahan para mag-roll out ng proyekto.
Samantala, umaasa si Sec. Roque na mapagtatagumpayan pa rin ng pamahalaan ang target nitong makamit na 110,000 Wi-Fi sites bago matapos ang Duterte administration sa 2022. (CHRISTIAN DALE)
287 