VALENZUELA CITY — Aabot sa ₱174 milyon halaga ng hinihinalang smuggled na produkto ang nakumpiska sa isang warehouse sa lungsod sa joint operation ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan ni BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla ang inspeksyon batay sa inilabas na Letter of Authority, kasunod ng impormasyon hinggil sa ilegal na imbakan ng vape products.
Sa ulat ng BOC, umabot sa ₱174,863,576.94 ang kabuuang halaga ng nasamsam na mga produkto, kabilang ang makinarya, electronic devices, imported na gamot, pagkain, damit, cosmetics, at LED lighting products na umano’y galing sa China.
Ayon sa ahensya, walang kaukulang import permits ang mga produkto at posibleng lumalabag din sa intellectual property rights, bukod sa banta sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Makikipag-ugnayan ang BOC sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.
Nagbabala si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang pagpasok ng smuggled goods sa merkado ay banta sa ekonomiya at kaligtasan ng mamamayan.
Samantala, sinabi ni Maronilla na isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan.
(JESSE RUIZ)
101 