INIULAT ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa publiko na umabot na sa kabuuang 1,121 indibidwal ang namatay sa COVID-19 sa lungsod hanggang noong Mayo 6, 2021.
Ayon sa alkalde, kabilang sa mga binawian ng buhay dahil sa nasabing karamdaman ay isang barangay chairman, na malapit nitong kaibigan.
Samantala, muli namang nanawagan si Moreno sa publiko na magpabakuna na upang magkaroon ng karagdagang proteksyon laban sa sakit.
Paliwanag nito, kung bakunado na ang isang indibidwal, dapuan man siya ng COVID-19 ay hindi na siya makararanas pa nang malala o kritikal na sakit.
Nilinaw pa ng alkalde, kahit bakunado na ay kailangan pa ring maging maingat na hindi mahawaan ng sakit dahil ang bakuna ay hindi nakapagbibigay ng immunity laban sa karamdaman.
Sa kasalukuyan aniya, mahigit na sa 395,000 indibidwal ang nagpahayag ng kagustuhang magpabakuna nang libre laban sa COVID-19 at nagparehistro na sa manilacovid19vaccine.com.
Sinabi pa ni Moreno, ang mga nakatanggap ng text messages mula sa city government na maaari nang magpaturok ng unang dose ng bakuna, ngunit hindi nakarating sa takdang petsa, ay maaari pa ring mag-avail ng free vaccine kung kailan sila available.
“Even if you missed your first dose, you may go to any of our vaccination sites anytime ‘pag may first dose deployment. Not on the second dose deployment. You won’t be accommodated because the number of doses are just enough to cover those who got their first dose and are slated to get their second,” ayon sa alkalde
Sinabi pa ng alkalde na regular nitong iaanunsyo sa kanyang Facebook account ang schedule ng vaccination, gayundin ang designated sites kung saan maaaring magtungo ang mga magpapabakuna para sa kanilang first at second dose.
Aniya, sa tuwing may natatanggap na bakuna ang lokal na pamahalaan mula sa national government ay tinitiyak nila ni Vice Mayor Honey Lacuna na naide-deploy kaagad ito sa lalong madaling panahon.
Paulit-ulit ding nananawagan ang alkalde at si Vice Mayor Lacuna sa mga residente na patuloy na tumalima sa ipinaiiral na minimum health protocols ng pamahalaan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at pag-obserba sa social distancing upang hindi mahawaan ng virus.
Batay sa datos, hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Mayo 7, 2021, umabot na sa kabuuang 59,587 ang total COVID-19 confirmed cases sa lungsod.
Sa naturang bilang, 2,281 ang aktibo matapos na madagdagan ng 231 na bagong kaso; 56,185 ang recoveries matapos na madagdagan ng 333 bagong recoveries, habang 1,121 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay, matapos na madagdagan ng tatlong bagong namatay dahil sa sakit. (RENE CRISOSTOMO)
141 