PILIPINAS GOT TALENT FINALIST HULI SA SHABU

LAGUNA – Kalaboso ang isang finalist ng ABS CBN’s “Pilipinas Got Talent” makaraang madakip sa kasong drug trafficking sa lalawigang ito.

Kinilala ni Laguna Police Provincial Director, Col. Serafin Petalio II ang suspek na si Mark Joven Olvido, 30-anyos, driver, mula sa Sitio Maunawain, Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna.

Nadakip ang suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng LPPO Drug Enforcement Unit, na pinangunahan nina Lt. Henry Sasakuya at Sta. Cruz Municipal Police Station chief, Lt. Col. Chitadel Gaoiran, noong Biyernes ng hapon.

Nakumpiska sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, P2,000 marked money at P600 cash.

Ayon sa ulat ni Petalio kay Police Regional Director Office4-A Director, BGen. Eliseo Cruz, nabatid mula sa isang concerned citizen ang impormasyon na kabilang ang suspek sa nagsasagawa ng illegal drug activities sa kanilang lugar.

Magugunitang si Olvido ay kilala bilang “Vape Master” sa naturang talent show at naging isa ring aktor sa TV series na “Ang Probinsyano”.

Nasa pangangalaga na ng Sta. Cruz Municipal Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Drugs Act of 2002. (CYRILL QUILO)

197

Related posts

Leave a Comment