Arestado sa isang controlled delivery operation ng Bureau of Customs NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang dalawang claimants ng tatlong bagaheng naglalaman ng kabuuang 9,243 Ecstacy Tablets o mas kilala sa tawag bilang “Party Drugs” na may street value na Php15,713,100.
Ang mga naaresto ay nakilalang sina “Rowena Canapit” kasama ng isang nagngangalang “Michael De Guzman”, na nagpakita ng authorization letter mula sa consignee na si Glory Joy Buzeta na kumukuha ng pakay na bagahe dakong ala-1:00 ng hapon sa Quezon City Postal Office.
Sa records lumalabas, ang bagahe ay ipinadala ng mga nagngangalang “Agner Buzeta” at “Victor Martis” mula Netherlands at idineklara bilang “Hand Bag & Shoes”, “Baby Clothes” & “Clothes”.
Ang nasabat na ecstasy tablets ay nadiskubre nang makita sa x-ray images na umano’y kahina-hinalang items na nag-udyok sa Customs Examiner na magsagawa ng 100% physical examination sa nasabing bagahe.
Sa nasabing physical examination, natuklasan ang party drugs na nakalagay sa false space/compartment ng bawat isang gilid ng subject packages.
Ang pagkakadiskubre at pagkakakumpiska ng illegal drugs dahil na rin sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa isinagawang controlled delivery operation laban sa consignee at responsible individuals para sa pagsasampa ng kaso na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kaugnayan sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Kaugnay nito, ang BOC sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, PDEA sa ilalim naman ni Director General Wilkins M. Villanueva, at ang NAIA-IADITG ay patuloy sa pagprotekta ng hangganan ng bansa laban sa pagpasok ng illegal drugs sa pamamagitan ng pinalakas na inter-agency coordination at cooperation. (Joel O. Amongo)
